Abante Tonite Interactive

Ama, kuya kinatay habang naliligo

744

Pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang kanyang ama at nakatatandang kapatid habang naliligo ang mga ito sa isang balon Linggo nang umaga sa Silay City, Negros Occidental.

Kinilala ang mga nasawing biktima na nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na sina Ronilo Orocero Sr., 62, at Sonny Boy Orocero, 38, pawang residente ng Sitio San Jose 2, Brgy. Kapitan Ramon.

Agad ding naaresto ang suspek na si Ronilo Orocero Jr., 29, na nakapiit na sa Silay Municipal Police Station.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente alas-sais nang umaga habang sabay na naliligo ang mga biktima sa balon hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Bigla na lang umanong dumating ang suspek na armado ng itak at walang humpay na pinagtataga ang sariling ama at kapatid.

Matapos ang pangyayari ay itinapon ng suspek ang itak sa loob ng balon at mabilis na tumakas pero may nakakita sa kanyang krimen na agad nagsumbong sa pulisya dahilan upang maaresto ito.

Inaalam pa ang motibo ng suspek sa pamamaslang, hindi umano makausap nang matino ng mga awtoridad ang suspek dahil nakatulala lang ito at hindi sumasagot sa kanilang mga tanong. (Edwin Balasa)