Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ama pinalakol sariling anak sa inuman

0 35

Dedbol ang isang 32-anyos na lalaki matapos na ilang ulit na palakulin ng sariling ama noong Linggo nang magkaroon sila ng pagtatalo sa isang inuman sa Jasaan, Misamis Oriental.

Dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan matapos na magtamo ng mga tama ng palakol sa ulo at katawan ang biktimang si Marjun Hallasgo, may asawa, habang agad namang nadakip ng rumespondeng pulisya ang suspek na si Enerio Hallasgo Jr., 62, tatay ng biktima at parehong residente ng Sitio Tampod, Brgy. San Isidro ng nabatid na bayan.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Marstar Lorenzo, hepe ng Jasaan Municipal Police Station, kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente alas-10:00, Nobyembre 21 ng gabi, habang nag-iinuman ang ama, dalawa nitong anak at iba pang kaibigan sa Sitio Tampod.

Nabatid na nauwi ang usapan hinggil sa hindi umano patas na pagtrato ng suspek sa kanyang mga anak dahilan upang magkaroon ng pagtatalo si Enerio at Marjun.

Umalis ang batang Hallasgo subalit pagbalik niya ay may dala nang patalim at sinakyod ng saksak ang ama na tinamaan sa hita.

Doon na nakakuha ng palakol ang ama at sa tindi ng galit sa ginawa ng anak, dagdag pa ang kalasingan, ay pinalakol niya nang ilang ulit ang huli sa ulo at katawan.

Sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan si Marjun subalit idineklara na rin siyang dead on arrival ng mga sumuring doktor.

Sa ngayon ay nakaburol na ang biktima sa kanilang bahay habang ang ama naman ay nagsisisi habang sinampahan na ng kasong parricide ng pulisya.(Edwin Balasa/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.