Abante Tonite Interactive

Ama pinatay ang adik na anak

By
16

“Inunahan ko na po siya, bago ako ang mauna­han niyang patayin.”

Ito ang pahayag sa pulisya ng isang 74-an­yos na ama matapos nitong patayin sa saksak at taga ang kanyang umano’y adik na anak kahapon ng umaga sa Daraga, Albay.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga taga at saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Ramil Cimanes, 39, residente ng Purok 4 Barangay Banag ng nabatid na bayan.

Kusang loob namang sumuko sa mga rumes­pondeng mga kagawad ng pulisya ang suspek na si Nelson Cimanes, 74, ama ng biktima at residente din ng nabatid na lugar.

Ayon kay chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office (PPO), naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga habang nasa kasarapan ng tulog ang biktima kasama ang mga anak nito.

Nabatid na pinasok ng suspek na armado ng itak at patalim ang kuwarto ng biktima at saka pinagtataga at pinagsasaksak na namatay noon din.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama na humantong sa pagbabanta ng anak na umano’y bangag ng mga oras na iyon na papatayin nito ang kanyang ama.

Inamin naman ng suspek ang pagkakasala at sinabing inunahan lang niya ang kanyang anak sa bantang papatayin siya nito na hindi umano malayong mangyari dahil sa impluwensya ng paggamit nito ng iligal na droga.

Nakapiit ngayon ang matandang Cimanes sa Daraga PNP (Philippine National Police) detention cell at sinampahan na ng kaukulang kaso dahil sa ginawang krimen.