Abante Tonite Interactive

Amal Clooney ‘di ubrang mag-abogado kay Maria Ressa

0 409

Hindi umano maaa­ring umaktong abogado ni Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa ang international human rights lawyer na si Amal Clooney dahil hindi ito miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng ulat na kasama si Clooney sa mga internatio­nal lawyer na magtatanggol kay Ressa sa mga kasong kinakaharap nito sa Pilipinas.

Ayon kay Panelo, naghahanap lamang umano si Maria Ressa ng ipantatapat sa kanya kaya nito kinuha ang serbisyo ng human rights lawyer na si Amal Clooney.

Ayon kay Panelo, nagmumukhang kawawa si Ressa kapag nagdedebate sila kaya kailangan nito ng abogadong tulad ni Clooney na asawa ng Hollywood actor na si George Clooney.

“Palagay ko nagha­hanap lang sila ng katapat ko. Eh kasi kapag kaming dalawa nagdedebate ni Maria medyo kawawa naman, kasi hindi naman siya abogado kaya kailangan may abogado din siya. Maganda pa, sexy pa. Naghahanap lang ng kakampi ‘yun. They are welcome to defend Maria,” ani Panelo.

Uubra aniyang consultant o tagapagsalita ni Ressa si Clooney sa kanyang mga kinakaharap na kaso subalit hindi ito maaaring mag-practice ng kanyang pagkaabogado sa bansa.

“Technically she cannot appear in the Phi­lippine courts, hindi siya member ng IBP, kung baga baka consultant lang siya o kaya spokesperson. I’m excited to debate with her. Kung gusto niya ipagtanggol, ha­yaan mo na siya kahit na sinong kunin niya basta hindi siya puwedeng mag-practice dito,” dagdag pa ni Panelo.

Pabiro pang sinabi ni Panelo na baka nabola lang ni Ressa si Clooney kaya kapag nagkita sila ay le-lecturan niya ito.

“Baka nabola lang niya si Atty. Amal. Misinformed kasi si Atty. Amal, siguro ‘pag nagkita kami, I can.. to use the word of the President ‘educate her’,” wika pa ni Panelo. ­(Aileen Taliping)