Abante Tonite Interactive

AWOL na pulis todas sa target na abogado

Ambush sa EDSA pumalpak (kicker)

By
2,777

Naunahan ng isang binatang abogado na mabaril at mapatay ang isang pulis na kabilang sa tatlong suspek na a-ambush sana sa kanya sa EDSA, Quezon City kahapon ng hatinggabi.

Kinilala ni Chief Supt. Guillermo Eleazar ang abogadong nakaligtas sa pananambang na si Atty. Argel Taar Cabatbat, 33-anyos, habang ang napatay na pulis ay nakilalang si PO1 Mark Boquela Ayeras, 32-anyos, residente ng No. 128 M.H. Del Pilar St., Santolan, Malabon.

Nabatid na nakatalaga si Ayeras sa Northern Police District pero absent without official leave o AWOL na umano ito. Namatay si Ayeras matapos tamaan ng bala ng caliber .9mm sa kanang dibdib.

Sugatan naman dahil sa tama ng bala sa kanang binti ang isa pang suspek na kinilalang si John Paul Napoles, 27-anyos at nakatira sa No. 5599 Don Carlos St., Barangay 190, Pasay City. Dinala ito sa East Avenue Medical Center.

Nakatakas ang isa pa nilang kasama sa bigong pananambang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-12:45 ng hatinggabi sa northbound lane ng EDSA corner Quezon Avenue, malapit sa Trinoma shopping mall.

Sakay ang abogado ng kulay itim na Montero kasama ang isang Rudy Janjan at minamaneho ng isang nakilala pa lang sa pangalang Ardee, nang mapansin niya ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na parehong walang plaka.

Agad nakatunog si Cabatbat dahil marami na umano itong natatanggap na banta sa kanyang buhay kaya mabilis nitong kinuha at ikinasa ang kanyang .9mm na baril.

Hindi nagkamali sa kanyang hinala ang abogado dahil nang pa-kanan na sila sa East Avenue ay tinabihan ng mga suspek ang kanilang sasakyan at pinaputukan.

Agad namang nakaganti ng putok si Cabatbat, maging ang kanyang kasama na si Janjan kaya inunahan ng mga suspek ang kanilang sasakyan.

Pero ipinahabol ni Cabatbat sa kanyang drayber ang mga suspek at pagdating sa flyover sa Quezon Avenue ay binundol nila ang isang motorsiklo kung saan magka-angkas ang mga suspek na sina PO1 Ayeras at Napoles saka pinaputukan pa.

Nabatid na maraming natatanggap na pagbabanta sa buhay ang nasabing abogado at marami na rin umanong kaso ang naipanalo kabilang na ang isang doktor na napatanggalan niya ng lisensiya.