Abante Tonite Interactive

Amer ‘di pa maka-move on

478

Matagal huhupa ang katotohanang na-three hits ang Meralco sa Ginebra sa PBA Governors Cup crown sa nakalipas na apat na seasons.

Isinuko na naman ng Bolts ang titulo ng 2019 season-ending conference, kinalos sa limang laro ng Gins huli nitong Biyernes sa MOA Arena.

Tatlong biyahe ni Baser­ Amer sa finals, tatlong semplang din. Sa iisang team pa.

“Hindi namin madaling makakalimutan ‘to,” himutok ni Baser sa dugout.

Plakado na sana ng Bolts ang likaw ng bituka ng Ginebra sa dami ng pagtatagpo nila sa Finals. Nagkaroon pa sila ng lehitimong big kay Raymond Almazan, nawala lang sa series nang abutin ng left knee injury sa Game 2.

“This was our best chance sana, kaso ‘di lang nagkataon na maganda lahat ng laro,” wika pa niya. “May ilang nag-i-struggle, including me.”

Anemic ang opensa ni Amer sa series, hindi consistent.

Isa pa sa ‘di nasolusyunan ng Bolts ang bagong salta sa Gins na si Stanley Pringle, nabingwit mula NorthPort noong June.

‘Di napigil ng Bolts ang slasher na nag-ave­rage ng 21.7 points, 7.3 rebounds at 3.3 assists sa Games 2-4. Sa title-clincher, nabuhay ang pro-Ginebra crowd habang kinakamada ni Pringle ang kanyang 17 points, 4 rebounds, 8 assists at tig-isang steal at block.

“Nagulat kami doon,” pag-amin ni Amer.

Nag-iba ang takbo ng Ginebra sa pagdating ni Pringle kumpara sa unang­ dalawang champion­ship showdowns.

“Dati kasi, kapag na-stop ko si kuya LA (Tenorio) parang okay na. Ngayon, may Stanley pa,” aniya.

Pero ‘di susuko ang Bolts, gagamitin nilang motibasyon ang talo para lalong mahasa ang laro.

“Kailangan mas gali­ngan pa namin next time,” wakas na paniniguro ng basketbolista. (VE)