Abante Tonite Interactive

Amo tinangkang lasunin ng kasambahay

395

Pinakulong ng among babae ang isang kasambahay makaraang madiskubre na nilagyan nito ng mothballs o naptalina ang kanyang gamot nang iinumin sana niya bandang alas-8:30 Sabado nang umaga sa kanilang bahay sa Soldiers Hills, Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Nakilala ang suspek na si Garnet Balacoy Gallardo, 35-anyos at residente ng Carnacion St., Navotas City na nakakulong ngayon sa Muntinlupa City Police Station matapos ireklamo ng among si Remedios Gimena, 76-anyos,
Ayon kay Gimena, nadiskubre niya na gusto siyang lasunin ng kanilang kasambahay nang kanyang makita ang bote ng gamot na may lamang tatlong piraso ng mothballs.

Agad pinatawag ni Gimena ang kasambahay at umamin umano ito na siya ang naglagay ng mothball sa bote ng gamot ng kanyang amo dahil sa sobrang sungit nito.

Paliwanag pa ng kasambahay na hindi naman umano niya intensiyong lasunin ang amo kundi gusto lang niyang magkasakit ito pero nabuking ang kanyang inilagay na mothballs na isang uri ng chemical pesticide at ginagawa ring deodo­rant na kadalasang inilalagay sa aparador upang hindi pasukin ng insekto.

Inireport ni Gimena sa Brgy. Putatan ang ginawa ng kanilang kasambahay at dinala naman ito sa Muntinlupa City Police Station. (Vick Aquino)