Hinabol ng santelmo

MISTERYO
Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo naka­kita na ba kayo ng santelmo o lumilipad na bolang apoy sa gabi?

‘Yan ang ating paksa: “Kapag may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Sa kuwentong karanasan ni Roger ng Leyte, inamin niya sa #TeamMisteryo na grabeng takot niya nang gabing ‘yun nang habulin siya ng santelmo.

Naglalakad siya noon sa pilapil ng bukid pauwi mula sa isang piyesta sa kalapit bayan pasado alas-dose nang hatinggabi at madi­lim ang kapaligiran.

Tangan ang flashlight para makita ang kanyang daa­nan ay kampante siyang naglalakad nang sa ‘di kalayuan sa kanyang harapan ay may munting liwanag na animoy nakalutang sa ere.

Tuloy lang sa pagla­lakad si Roger patungo sa direksyon ng mun­ting liwanag at inisip lang niya na ito ay flashlight na gamit ng magsasaka na bumisita sa kanyang sakahan. Kaya’t kampante lang siya sa paglalakad at handa niyang batiin kung sino man ang magsasakang ‘yun na kanyang madaraanan.

Habang papalapit siya ay napansin niyang palaki nang palaki ang liwanag at tila papalapit din sa kanya. Medyo kinabahan na si Roger dahil wala siyang ibang madaanan, deretsong pilapil lamang sa gitna ng bukirin ang kanyang binabaybay.

Nang ilang metro na lang ang layo niya sa liwa­nag ay malinaw niyang namasdan na hindi ito ilaw, hindi rin ito flashlight kundi isang bolang apoy na nakalutang sa hangin.

Astang susugurin siya ng bolang apoy ay tumakbo na pabalik sa kanyang pinanggalingan si Roger, nag-iisip kung saan siya direksiyon pupunta madilim pa bagaman hawak niya ang flashlight para makita ang kanyang daanan.

“Naku..naku ‘wag naman sana ako madapa, hinahabol ako ng bolang apoy!” bulong ni Roger sa sarili habang tumatakbo.

Lumingon sa kanyang likuran si Roger at nakita niyang palaki nang palaki ang bolang apoy at mas mabilis na ang paglipad palapit sa kanya. Dito na sumigaw si Roger para humingi ng tulong.

“Saklolo! Saklolo! Tulungan niyo ako hinahabol ako…hinahabol ako, parang awa niyo na! Tulungan niyo ako…Tulong (sa salitang Waray),” sigaw ng pagmamakaawa ni Roger habang tumatakbo.

Malapit na siya makarating sa kalsada nang bigla siyang matisod, nawalan siya ng balanse at nasubsob sa putikan. Sinikap niyang makatayo agad para tumakbo dahil alam niyang andyan na sa likuran niya ang bolang apoy.

Pag-ahon niya saktong may parating na tricycle at hinarang niya sa kalsada.
“Para…para…saklolo, may humahabol sa akin (sa salitang Waray),” pasigaw pero nanginginig sa takot na sambit ni Roger.

Tumigil naman ang tricycle at agad sumakay si Ro­ger na nanginginig sa takot habang nagtataka naman ang driver kung ano nangyari kay Roger. “Hinahabol po ako ng santelmo muntik na akong tamaan,” biglang sabi ni Roger sa driver. Lumingon naman ang driver sa pinanggalingan ni Roger, wala naman siyang nakita kaya umi­ling-iling na lang siya.

May mga taong nakakakita ng St. Elmo’s fire o santelmo at karaniwan itong nakikita sa lugar na may namatay. Bagaman may teyorya na ang bolang apoy ay kagagawan ng mga elemento o engkanto.

Para sa inyong mga nakakatakot na karanasan o mga kababalaghan, mag-email saTeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang websites: www.reytsibayan.com: www.abante.com.ph.

lumilipad na bolang apoyMisteryosantelmo