Lagim ng aswang

Mga ka-Misteryo naka­rinig na ba kayo ng kuwentong aswang? Minsan ba sa inyong buhay ay nakakita, nakarinig o nakaharap kayo ng aswang?

Isang karanasan ang ibinahagi sa #TeamMisteryo ni Victor ng Leyte nang mula pagkabata ay karaniwan na niyang naririnig ang kuwentong aswang hanggang sa siya mismo ay makaranas nito at ang sukdulan ay muntik na siyang hindi makalabas sa lugar na may aswang.

Edad 7 taon siya nang isang gabing magkagulo sa kanilang barangay nang magtatakbo palabas ng bahay ang isang nanay at hinahanap ang kanyang sanggol na bigla umanong hinablot ng aswang.

Mula noon ay sinakmal na ng takot si Victor at iniiwasan nitong matulog malapit sa dingding ng kanilang bahay na gawa lamang sa pawid.

Hindi rin siya halos makatulog sa gabi lalo na kapag narinig niya ang malalakas na pagaspas ng animo’y malalaking pakpak na ayon sa kanyang nanay at lola ay mga manananggal. Bagaman takot siya ay ayaw niyang maniwala na merong ganung mga nilalang na gumagala sa kanilang lugar pagsapit ng gabi.

Hanggang isang gabi na magluluto ang kanyang ina ng tinolang manok ay big­lang nagtititili ang kanyang lola. Kitang-kita ng kanyang lola na may naglagay ng buhay na manok sa palayok na pinagpapakuluan ng tubig. Ang kanyang ina naman ay sobrang galit at hinamon kung sinong aswang ang may gawa noon at magharap sila.

Marami pang kuwentong aswang ang kanyang narinig sa probinsya hanggang sa siya ay magbinata at makalipat na siya sa Maynila ay ayaw pa rin siyang tantanan ng paghahasik ng lagim ng mga aswang. May buntis na inaswang sa Malabon, may hinabol at hinataw na aso na sinasabing aswang sa Bulacan, may magkapatid na aswang na hinabol ng taumbayan sa Quezon at hanggang sa siya mismo ang makaengkuwentro ng aswang.

Sumama siya sa isang grupo ng mga bakasyunista sa Rizal at nang gabing magkayayaan silang maglibot sa isang farm ay bigla silang inatake ng aswang. May malakas na puwersa ang biglang dumaan sa tabi nila at bumagsak ang dalawang kasamahan nila.

“Anong nangyari?” tanong ni Victor.

“May umatake sa atin, hindi natin nakikita,” sagot ng isa sa lalaking bakasyunista.

“May sugat kami brod, parehong paa,” biglang sagot ng isa pang lalaki.
Hindi pa nakakapagsalita si Victor nang biglang may kumapit sa kanyang magkabilang balikat at siya ay umangat.

“Tulungan niyo akoooo! May tumangay sa akin.” Sigaw ni Victor habang papalayo siya sa grupo.

Walang nagawa ang kanyang mga kasama­han kundi habulin siya at tinatawag ang kanyang pangalan.

Biglang bumagsak sa isang kakahuyan si Victor dahilan para puro galos ang kanyang katawan at napunit ang kanyang suot na sweatshirt sa magkabilang balikat.

Todong takot at na­nginginig ang katawan nang matagpuan siya ng mga kasamahan at nagmamadali silang umalis sa lugar.

Kuwentong aswang pero may mga taong totoong dumanas ng kanilang pag-atake bagaman hanggang ngayon ay hindi pa rin mapatunayan kung sila ba ay nasa paligid natin. Kung totoong may aswang, marahil ay totoo rin ang sinasabi ng mga matatanda na hindi nila ginusto ang nangyari sa kanila lalo na kung totoong isinalin lang sa kanila ang mahika o karunungan. Wala tayong karapatan na sila ay husgahan, mas marapat na ipagdasal sila. Pero kung totoong nakasakit sila o nakapatay, marapat silang parusahan ng batas.

Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan o lagim, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang website ng Abante at ang a­kin: reytsibayan.com.