Mga batang multo, pasaway sa condo

Mga ka-Misteryo nabulabog na ba kayo sa pagkakatulog sa dis-oras ng gabi dahil sa paglalaro ng mga batang multo.

Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Ipinagtapat ni Jake ng San Juan sa #TeamMisteryo na ilang gabi siyang pinuyat ng mga lagabog at hagikgikan ng mga bata tuwing alas-dos hanggang alas-tres nang madalingaraw.

Noong una ay inakala lang ni Jake na mga bata sa mga katabing yunit ang mga naghaharutan sa dis-oras ng gabi kaya ipinagwawalang bahala lang niya ito.

Ngunit sunud-sunod siyang nabulabog lalo na at ghost month pa na dapat ay nakakatulog siya ng nahimbing sa gabi, kailangan niyang gumising ng maaga para pumasok sa opisina.

Nagreklamo na siya sa condominium management office sa hinalang sa katabi niyang mga yunit nagmumula ang i­ngay ng mga tsikiting. Kinabukasan kinausap siya ng CMO officer at sinabing wala silang nakitang bata sa mga katabing yunit ni Jake.

Nagtataka si Jake kung saan g­aling ‘yung mga ingay na ‘yun at hindi siya mapakali hangga’t hindi niya natutuklasan.

Kaya ng gabing ‘yun sinadya niyang wag matulog pero minabuti niyang magkunwaring natutulog sa kanyang silid kaya’t patay lahat ng ilaw sa sala, kusina at sa dalawa pang room na ginagamit niya bilang in-house office at workout room.

Lamp shade lang ang nakasindi sa kanyang silid at nakahiga siya para kunwari ay tulog siya nang saktong pagpatak ng alas-tres nang madaling-araw ay may narinig siyang nagtatakbuhan sa labas lamang ng kanyang silid at naghahagikgikan.

Medyo kinabahan si Jake baka may ibang nakapasok sa kanyang yunit pero imposible dahil sigurado siyang naka-double lock ang kanyang pintuan.

Patuloy sa pag-iingay ang mga bata sa labas ng kanyang silid kaya hindi na siya nakatiis, dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng kanyang silid at sumilip. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita.

May batang lalaki at batang babae ang naghahabulan, naglalaro at nagtatawanan sa loob ng kanyang condo unit. Ngunit napansin niyang malamig ang paligid ng mga sandaling yun.

Dahil naiinis si Jake at nakita niya may dalawang bata sa labas ng kanyang silid, bigla niyang s­inita ang dalawa.

“Mga bata anong ginagawa niyo dito at ang iingay niyo, na-iistorbo ako.

Saan ba kayo galing ha!” halatang galit si Jake nang kausapin ang mga bata.

“Sorry po, hindi na po mauulit aalis na po kami,” tugon sa kanya ng batang babae.

“Sige umalis na kayo, wag na kayong mag-iingay ha, magpatulog kayo ng tao,” temang galit pa rin si Jake.

Biglang naglaho sa kanyang paningin ang dalawang bata at dun lang nahimasmasan si Jake na mga multo pala ang mga nakita niyang pasaway na mga bata. Mula noon ay wala na siyang narinig na ingay ng mga bata sa dis-oras nang gabi kahit sa mga katabi niyang yunit.

Sa totoo lang, pagkakataon din na pinapagalitan ko ang mga multo kapag natiyempuhan ko sila gayunman mag-ingat po tayo. May mga elemento na luma-lakas kapag galit ang isang tao.

Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan at katatakutan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang website ng Abante Tonite at www.reytsibayan.com.

batang multodis-oras ng gabinabulabogpagkakatulogpaglalaro