Nakatuwaan ng mga engkanto

Mga ka-Misteryo, kayo ba ay nakatuwaan na ng mga nila­lang na nakatira sa mga puno? ‘Yan ang ating misyon: “Kapag may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Dalawang magkaibang karanasan ang nakarating sa #TeamMisteryo: Una, isang babae ang nakatuwaang sindakin ng isang babaeng engkanto sa puno ng acacia, habang isa namang lalaki ay nakatuwaang pagbabatuhin ng isang kap­re sa puno ng kaimito.

Si Ilang ng La Union ang nagkuwento na sobrang na-trauma siya nang masindak siya ng babaeng nagbabayo sa taas ng puno ng acacia sa tapat ng kanilang bahay.

Isang umaga pagkagising niya ay naka­gawian niyang magwalis sa kanilang bakuran, nang bigla siyang makarinig ng nagbabayo. Akala niya ay kapitbahay lang nila ‘yun ngunit pagtingala niya, la­king gulat niya na nanggagaling ang tunog ng nagbabayo sa taas ng puno ng acacia.

Hindi niya lubos maisip kung paano may nagbabayo sa taas ng puno gayung wala naman talagang nakatira rito at nasindak siya nang makita ang isang babae na may mahabang buhok at nakaputing damit.

Lalo pa siyang natakot nang tumigil sa pagbayo ang babae sabay tingin sa kanya. Hindi halos makakilos sa kanyang kinatatayuan si Ilang at pabu­long niyang sinabi: “Huwag po niyo kong paglaruan…sino po kayo? Bakit an­dyan kayo sa taas ng puno?”

Ngunit tila walang narinig ang misteryosong babae sa taas ng puno at nagpatuloy sa pagbabayo. Kinagabihan ay nanaginip si Ilang na biglang lumitaw ang isang magandang babae at inamin na siya ang babaeng nagbabayo sa puno.

“‘Wag kang matakot kaibigan, hindi kita tinatakot nang magpakita ako sayo. ‘Wag lang sisirain ang puno, tirahan namin ito,” banayad na pahayag ng babae kay Ilang.

Si Romy ng Ilocos ay nakatuwaan ng kap­re habang siya ay nasa palikuran sa labas ng kanilang bahay. Dahil gawa sa yero ang bubong ng kanilang CR ay malakas ang bagsak ng mga graba at maliliit na bato.

Matagal na niyang alam na may nakatira sa puno ng kaimito katabi ng kanilang CR. Isang kapitbahay niya ang nakakita sa kapre na nakatira sa puno. Paglabas ni Romy ng CR ay may nakaharang na matangkad na anino sa kanyang daanan at pagtingala niya, isang mala­king tao na may tabako at may mahabang buhok ang nasa kanyang harapan.

Hindi nakapagsalita si Romy at nanga­ngatog siya sa matinding takot kaya’t big­la siyang nagtatakbo pabalik sa kanilang bahay.

Ipinagtapat ni Romy sa #TeamMisteryo na ‘yun ang u­nang beses na nakakita siya ng kapre, at nasundan pa ang katuwaan sa kanya nito, sa tuwing nagpupunta ng CR ay lagi siyang bina­bato. Hanggang sa masanay na siya.
“Hindi naman ako sinaktan, sa totoo lang kinausap niya ako sa panaginip at gusto lang daw makipag-kaibigan,” pagtatapat ni Romy.

Ang dalawang karanasan na ito ay patunay lamang na totoong may mga nilalang na nakatira sa mga puno, at sila ang tinatawag nating mga engkanto. Bagaman mahirap silang pagkatiwalaan dahil may ibang nananakit ay isang ma­tinding mensahe ang nais nilang ipabatid sa atin na alagaan ang mga puno sa paligid at ‘wag sisirain.

Mag-ingat lang po tayo sa pakikipag-ugnayan sa kanila dahil may mga kaso na namamatay dahil isinasama ang tao sa daigdig ng mga engkanto.

Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan at katatakutan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang websites ng Abante, Abante Tonite, at www.reytsibayan.com.

engkantoMisteryo