Abante Tonite Interactive

Ana Capri nakabangon sa pagiging hubadera

S P E C I A L F E A T U R E

By
6,062

Isa si Ana Capri sa maituturing na hubadera sa showbiz na nakatawid para maging ganap na aktres.

Matapos kasing sumabak sa sexy films noong nagsisimula pa lang sa showbiz, pinatunayan niya ang kanyang talent sa pag-arte sa pamamagitan nang mahusay na pagganap sa mga natotoka sa kanyang role. Na nagresulta naman para sumungkit si Ana ng mga acting awards, here and abroad.

Taong 1997 nang magkaroon siya ng puwang sa showbiz. Mula sa pagiging ekstra, ang dating ramp model ay nabigyan agad ng break sa ikalawa niyang proyekto para maging isa sa bida sa pelikulang Virgin People-2. “Nag-modeling muna ako tapos ay may nakakita sa aking talent scout. Nagkaroon ako ng maliit na role sa isang tele-movie. ‘Yung role ko, girlfriend ni Direk Celso Ad Castillo.

“Nang ginawa nila ang Virgin People-2, pina­hanap nila ako. Iyong Ana Capri ibinigay ni Direk Celso iyan, kasi Ana ang name ng anak ng producer ng movie at ‘yung Capri, ‘yun ang brand ng sigarilyo ni Direk Celso, eh. Kaya sabi sa akin ni Direk Celso, protégé niya raw ako, kasi parang siya ang nag-create sa akin,” saad ni Ana.

Sa ngayon ay ilang acting awards na ang kanyang nakukuha, kabilang ang Best Supporting Actress Award sa Asean International Film Festival Awards sa Kuching, Sarawak, Malaysia para sa pelikulang Laut. Last year ay nanalo rin siyang Best Supporting Actress sa Star Awards ng PMPC para sa parehong pelikula na pinamahalaan ni Direk Louie Ignacio at tinampukan ni Barbie Forteza.

Ano ang naitulong sa kanya ng pag-aartista? “Nagkaroon ako ng pagkakataon maibahagi ko ang aking talento sa bawat aspeto ng buhay. Nakapagbi­gay para­ngal sa ating kapwa Filipino at bansa. Naging isang daan din siya para maka-reach out ako sa mga tao, malaki man o maliit. At sa kabataan, naging magandang ehemplo. And I feel lucky that I was able to help my family as well.”

Ano ang pinakaseksing movie ang nagawa niya at gaano ka-daring ito?

“Sa tingin ko, Paraiso ni Efren, iyong visuals and dialogues kasi roon, both daring, eh,” pakli niya.

Nabanggit din niya ang ‘di malilimutang pelikulang kanyang ginawa. “Marami, pero siguro Virgin People. Kasi, first ko na isa sa bida and first nomination din. Then, ‘yung ‘Pila Balde’ na first award (Best Actress) ko and ‘Laut’, kasi it’s my comeback movie and gave me so much blessings, pati awards abroad. And happy to be a BG baby.”

Nagsisi ba siyang nagpa-sexy sa pelikula? “Most of the things I’ve done, I always see the positive side. No regrets. Humble beginning ko po siya. It’s how you look at the coin… there’s always two sides.”

Ano ang maibibigay niyang payo sa mga artista ngayon lalo na sa mga nagpapaseksi?

“In life there’s no permanency but change. I’m still learning and enjoying my own journey in life as well po. So, maipapayo ko… never stop learning, not limit yourself, evolve and be humble… be thankful and kind.”

Ano ang nakikita niya sa sarili mo after 10 years? “Hahaha beautiful… rich and a queen! Hahaha! Life is wonderful with love, family and friends.” (Nonie Nicasio)