Abante Tonite Interactive

Anak binaril ng ama sa pagmamaneho sa maling ruta

By
2,457

Dahil sa matinding galit, nabaril ng isang ama ang 28-anyos na anak matapos mag-away nang magkamali sa rutang dinaanan sa kaniyang pagmamaneho sa Quezon City noong nakaraang Huwebes ng gabi

Nahaharap sa kasong ‘frustrated parricide’ ang suspek na si Philip Agustin Cabrera, 51, ng D. Varsity Street, East Fairview Subdivision, sBarangay Greater Fairview, Quezon City.

Batay sa natanggap na report ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, nagalit umano si Cabrera sa kanyang anak na nakilalang si Mark Gabriel, nang magkamali ito ng ruta patungo sa kanilang pupuntahang lugar.

Nang makarating sa kanilang bahay ay muling inungkat ng ama ang pagkakamali ng anak hanggang sa magkasagutan ang mag-ama.

Sa galit ni Cabrera dahil sa pagsagot ng anak ay nagtungo ito sa loob ng kaniyang silid at nang lumabas ay armado na ito ng .38-caliber revolver at binaril ng dalawang ulit ang nagmumukmok na anak.

Duguang bumagsak ang biktima subalit naisalba naman ang buhay nito at ngayon ay nagpapagaling na lamang sa ospital.
Agad namang naaresto ang suspek at nakumpiska ang baril na ginamit nito sa pamamaril sa anak. Kasalukuyang nakapiit ito sa detention cell ng QCPD habang inihahanda ang kasong ‘frustrated parricide’ at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.