Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Anak lulong sa shabu pinakulong

0 76

Kalaboso ang inabot ng isang pasaway na anak na umano’y drug pusher at addict na laging pinagbabantaan at pinagtritripan ang kanyang sariling ina kapag hindi nagbibigay ng pera sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Longos, Pulilan, Bulacan, Sabado ng gabi.

Base sa report kay P/Col. Manuel Lukban Jr. ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong si Ekim Osorio, 42-anyos, binata at nakatira sa Brgy. Longos, Pulilan na nakakulong ngayon sa Pulilan Municipal Jail matapos mahulihan umano ng shabu.

Nabatid na bago naaresto ang suspek na si Osorio ay humingi na ng tulong ang ina ng suspek sa tanggapan ng pulisya at ipinadala ang video sa cellphone kung saan gumagamit ng droga ang anak dahil laging pinagbabantaan ng suspek ang sariling ina kapag nasa ilalim ito ng impluwensiya ng droga at kung hindi nagbibigay ng P500 araw-araw ang ina.

Bunga nito, kaagad nagkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit ng Pulilan PNP kung saan kumagat ang kanilang target na si Osorio na hindi na nakapalag matapos makumpiskahan ng walong pakete ng shabu at buy-bust money.

Ayon sa inventory officer na si P/Cpl. Lorenzo Gonzales Jr. dakong alas-9:30, kamakalawa ng gabi, nang inilatag nila ang anti-illegal drug operation matapos na ina ng suspek ang nagsuplong sa awtoridad dahil hindi na nito makayanan ang ginagawa ng sariling anak na lagi umano siyang pinagtitripan kapag sabog sa droga ang lalaki at pinagbabantaan pa kung hindi magbibigay ng pera.

Bukod dito ay lagi umanong pinagbabantaan, minumura, at pinagsasabihan ng anak ng maaanghang na salita ang nanay.

Si Osorio ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165. (Jun Borlongan)

Leave A Reply

Your email address will not be published.