Abante Tonite Interactive

Anak ng amo sinaktan ng houseboy na foreigner

0 412

Sa kulungan ang bagsak ng isang Myanmar national matapos nitong saktan ang 12-anyos na anak na binatilyo ng kanyang amo sa isang exclusive subdivision sa Makati City, ayon sa ulat kahapon.

Kasalukuyang nasa detention cell ng Makati City Police ang suspek na si Aung San, 30, Myanmar national, stay-in houseboy sa Brgy. Dasmariñas Village, Makati City.

Agad namang isinailalim sa medical ang biktima na itinago sa pangalang Rafael, 12-anyos, nakatira sa nabanggit na subdivision matapos magtamo ng pasa sa katawan bunga ng tinamong pambubugbog sa houseboy.

Sa report ng pulisya base sa pahayag ng ama ng bata, (hindi na binanggit ang pangalan) naganap ang insidente alas-2:42 nang hapon sa kanilang bahay sa Brgy. Dasmariñas Village.

Sa pahayag ng ama ng bata sa mga pulis, stay-in houseboy nila ang nasabing dayuhan nang saktan umano nito ang kanyang anak sa hindi mabatid na dahilan.

Agad namang inaresto ng mga naka-duty na guwardiya ang suspek at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya. (Armida Rico)