Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Anak ng bilyonaryo sabit sa P150M housing scam

0 113

Ni Nancy Carvajal

Sinampahan ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) ang anak ng isang bilyonaryo matapos umanong dedmahin ang mga contractor nito pagkatapos niyang kuhanan ng P150 milyon para sa mga proyektong prefabricated luxury home ng kanyang kompanya.

Si Robbie Antonio ay kinasuhan umano bilang may-ari ng Revolution Precrafted Properties Philippines Inc. na may negosyo sa pagpapatayo ng mga prefabricated home. Anak siya ng bilyonaryong si Jose Antonio na may-ari ng Century Properties.

Ayon sa ulat, siyam na contractor ang naghain ng reklamo sa NBI nitong Huwebes, na nagsabing hinikayat sila sa iba’t ibang kontrata ng kompanyang Revolution Precrafted Properties Inc. ni Robbie.

Nais umano ng mga complainant na mabawi ang kanilang pera subalit binabalewala o hindi naman tinupad ng kompanya ni Robbie ang mga pinangako sa kanila.

Base sa eklusibong report ng bilyonaryo.com.ph, kasama umano sa mga dinemanda ng mga contractor ay sina Precious Aceveda, corporate treasurer ng Revolution Precrafted; Bryan Ronquillo, director ng kompanya; at si Michael Bilgera, ang corporate secretary.

Matapos umanong ibigay ng mga contractor ang perang umaabot na sa P150 milyon, tumigil na ang Revolution Precrafted sa pakikipag-usap sa kanila at pinaikot-ikot na lamang, ayon sa ulat.

Nabatid na hinarap ni Bilgera ang mga nagreklamo, na karamihan ay mga negosyanteng hindi naman kalakihan, at sinabi lang nitong susubukan niyang tumulong at hindi nagsabi kung ibabalik ang pera o kung kailan isasauli ang pera ng mga contractor.

Pinagmamalaki umano ng Revolution Precrafted na kaya nitong gumawa ng prefabricated na mga luxury home sa loob lamang ng ilang buwan at hindi taon.

Wala pang pahayag tungkol dito ang kampo ng mga nireklamo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.