Abante Tonite Interactive

Anak ng Quezon mayor patay sa rubout, hindi shootout

917

Parang script sa mga teleserye at pelikula.

Ito ang lumalabas sa pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pagkamatay ng anak ng mayor ng Saria­ya, Quezon sa umano ay shootout laban sa mga pulis sa Barangay Calumpang, Tayabas City noong madaling-araw ng Marso 14.

Ito ay matapos kumanta sa NBI ang tatlong miyembro ng Tayabas police na siyang nakalagay sa police report na umano ay nakaengkuwentro nina Christian Gayeta, anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta, at ng kasama nito na si Christopher Manalo.

Sa magkakahiwalay na testimonya ng tatlo, rubout at walang shootout na nangyari nang gabing ‘yun.

Sa unang report ng Tayabas-PNP, kapwa napatay sa umano ay “engkuwentro” sina Gayeta at Manalo na hinabol ng mga pulis matapos umanong mamaril at manakot ng isang gas attendant sa PTT gas station na hindi nila binayaran sa Barangay Baguio, Tayabas City.

Ayon kay Director Dominic Villanueva, head ng NBI-Quezon, kamakalawa ng gabi ay nagtungo sa tanggapan ng NBI sa Lucena City ang tatlong pulis at isinalaysay kung paano pinatay ang dalawa.
3 pulis nakonsensya

Nakonsensya umano ang mga ito matapos na maglabasan ang brutal na pagkamatay ng mga biktima.

Alas-11:00 pa lamang ng gabi ng Miyerkoles ay hawak na ng Tayabas police ang dalawang nasawi matapos na masita sa Com­elec checkpoint sa Barangay Mun­ting Bayan at makuha sa mga ito ang isang kalibe .45 at isang kalibre .22 na baril.

Subalit pagdating ni Tayabas police chief, Supt. Mark Joseph Laygo sa area ay sinakay sa isang van ang dalawa at dinala sa ‘di ­tukoy na lugar.
Muling nakita ang dalawa dakong alas-tres ng madaling-araw, nang tawagin muli ni Laygo ang mga pulis para sa umano ay isang “operasyon” sa Barangay Calumpang at isagawa na ang set-up at walang labang pagpatay sa mga ito na inilabas ng van na nakapi­ring at nakatali ang mga kamay.

Ayon pa sa tatlong sumukong pulis, tumanggi sila na maging “player” sa sinasabing senaryong gustong palabasin ni Laygo kaya pinagkukuha ang kanilang baril at siyang ginamit ng mga gunman na tinukoy sa mga pangalang PO1 ­Legaspi at PO1 Sumagpong na mga kasamang dumating ng hepe, at siyang ibinaril sa dalawa.

Ayon sa panayam kay Mayor Gayeta, nawawala ang may kalakihang pera na dala ng anak nang gabing iyon na ibinigay niya para sa negosyo nitong litsunan ng baboy.

Samantala, kahapon ng umaga ay sinibak na sa puwesto ni PRO 4A Regional Director Chief Supt. Edward Caranza si Quezon police director Senior Superintendent Osmundo de Guzman dahil sa command responsibility.

Nawawala naman at hindi pa nagpapakita at nagre-report sa Quezon Police Provincial Office ang kamakalawa ay nauna nang sinibak sa puwesto na si Laygo. (Ronilo Dagos)