Abante Tonite Interactive

Anak ni Loren mamumudmod ng solar franchise sa mga kongresista

By
991

Ibinuking ng isang opisyal ng Kamara ang ilang ‘sweet heart­ deals’ umano na inaa­alok ng Solar Para sa Bayan Corporation (SBPC) sa ilang mga kongresista kapalit ng pagsuporta at agarang pag-apruba ng kanilang legislative franchise application.

 Ayon kay Senior Deputy Minority Leader at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, marami umanong nabolang mambabatas ang SBPC, lalo na ang mga kongresista na naka-base sa malalayong rehiyon at probinsiya para suportahan ang prangkisa ng solar firm.

Paliwanag ni Atienza, isinubo umano ng SBPC ang electrification proposal sa mga liblib na lugar ng mga mambabatas, kapalit ng kanilang pagsuporta sa agarang pagpasa ng prangkisa ng nasabing solar firm sa ilalim ng House Bill 8179.

 Si Deputy Speaker Arthur Yap ng Bohol ang panguna­hing may-akda ng nasabing franchise application ng SPBC.

“Ang daming members ng Congress na naligaw, binigyan (daw) sila ng magandang vision: ‘You want electricity in you barrio, in your district, in everyplace?’ Siyempre, sabi nung congressman: ‘Yes!’—O, you sponsor this measure, prio­rity one ka (sabi ng SBPC). Bibigyan ka ng murang elektrisidad sa lahat ng ituturo mo. Yun ang dahilan kaya madami ang nag-sponsor (nung franchise application),” giit ni Atienza.

Ang SBPC ay kompanya na pagmamay-ari ni Leandro Le­viste, anak nila Senador Loren Legarda at dating Batangas Gov. Antonio Leviste.

Umangal si Atienza sa paspasang pagpapatibay ng House committee on legislative franchises sa franchise application ng SBPC kahit dalawang beses pa lamang itong dininig ng nasabing komite kung saan hindi man lang nabigyan ng pagkakata­on na konsultahin ang mga stakeholders sa sektor ng ener­hiya, lalo na ang mga kontra sa panukala.

Si Atienza at 15 pang mambabatas ay naghain nitong Miyerkoles ng isang reso­lusyon upang muling ibalik ang aplikasyon ng SBPC sa komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz ‘Chicoy’ Alvarez.