Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Anak ni Lucio Tan nag-amok sa hotdog

0 194

Nagreklamo ang isang kasambahay matapos nitong ma-videohan ang paninigaw at pananakot sa kanya ng kanyang amo nang dahil lang sa hotdog.

Sa ‘Idol in Action’, inireklamo ni Rocelle Siay si Timmy Tan, na diumano’y anak ng business tycoon na si Lucio Tan, dahil inutusan daw ng kanyang amo ang mga bodyguard na barilin siya.

Kuwento ng kasambahay, nagalit umano si Tan nang magluto siya ng hotdog para sa ibang babae ng kanyang amo na nakatira raw sa itaas ng mansyon nito.

Depensa naman ni Siay, gusto umano ng babae na simpleng pagkain lang at huwag mga meat, kaya naisip niyang lutuan na lang ito ng itlog at hotdog.

Doon na raw nagalit si Tan nang malamang hotdog lang ang pinakain sa babae.

“Sabi naman ng babae, ‘Okay lang naman ako doon kasi busog naman na ako’. Nagalit pa rin ‘yong boss ko… minura niya po ako,” kuwento ng kasambahay.

Sa video, maririnig na tila may inutusan ang amo na barilin si Siay habang sila ay nagkakasagutan.

Naghain naman ng kasong cyberlibel si Tan laban sa katulong dahil sa pag-post nito sa social media ng kanilang alitan.

Tumanggi si Tan na magpa-interview kay Raffy Tulfo at hahayaan na ang kanyang mga abogado na gumawa ng kaukulang aksiyon.

Samantala, nangako ang mamamahayag na susuportahan ang kasambahay sa kasong kinahaharap nito, at tutulungan din umano ito sakaling gustong maghabla ng grave threat dahil sa pananakot na barilin si Siay ng bodyguard. (Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.