Abante Tonite Interactive

Anak ni mayor nakapatay ng 2 teenager

391

Patay ang magkaibigang binatilyo nang magsalpukan ang sinasakyan nilang motorsiklo at Sports Utility Vehicle (SUV) ng anak ng isang alkalde Miyerkoles nang gabi sa bayan ng Panglao, Bohol.

Kinilala ang nasawi na sina Marlon Ambi at angkas nitong si Nino Rey Diwang, kapwa 18-anyos, at taga-Barangay San Miguel ng nasabing bayan.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang driver ng Nissan Tierra na si Leo Ildefonso Calipusan, 44, anak ni Loboc, Bohol Mayor Leon Calipusan.

Sa ulat ng Panglao Municipal Police Station (MPS), naganap ang salpukan alas-9:50 nang gabi sa Barangay Bil-isan ng bayang ito.

Sa imbestigasyon ni Police Corporal Marlon Cuidadanao ng Panglao MPS, mabilis umano ang pagpapatakbo ni Ambi ng motorsiklo habang angkas si Diwang at wala pang suot na helmet.

Sa salaysay pa ng isang saksi, nag-counterflow umano ang mga biktima at nasalubong ang paparating na sasakyan ni Calipusan dahilan ng malakas na head on collision dahilan upang masawi ang dalawa.

Bagama’t nawasak naman ang unahang sasakyan ni Calupusan ay hindi ito nasaktan.

Nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ni Calipusan at pamilya ng dalawang biktima dahilan upang hindi na magsampa ng reklamo ang mga ito. (Edwin Balasa)