Abante Tonite Interactive

Anak ni Ramon Revilla Sr, sabit sa money laundering

891

Nag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals (CA) sa mga bank account ng isang negosyante na inaresto kasama ng nagpakila­lang anak ni dating Senador Ramon ‘Agimat’ Revilla Sr. matapos mabuking ang tangkang smuggling ng mahigit P24 milyong abortion pills sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa CA 4th Division resolution na inilabas noong Nobyembre 14, 2019, kinatigan nito ang petisyon ng Anti-Money Launde­ring Council (AMLC) na maglabas ng freeze order ang korte sa mga bank account ng negosyanteng si Glen More Gaddi dahil sa hinalang sangkot ito sa iligal na aktibidad katulad ng smuggling o money laundering.

Batay sa court record, nag-ugat ang petisyon ng AMLC sa kahilingan sa kanila ng Bureau of Customs (BOC) na magsagawa ng financial investigation laban kina Gaddi at Reuben Jesse M. Bautista matapos na ares­tuhin ang dalawa sa NAIA Terminal-3.

Nabatid na Setyem­bre 3, 2017 nang makatanggap ng impormasyon ang NAIA Anti-Illegal Drugs Interdiction Task Group mula sa BOC na may darating na mga pasaherong lulan ng Singapore Airline flight No. SQ918 na mayroong dalang mga prohibited item.

Nakumpirma ito nang dumating sina Bautista at Gaddi, na parehong Philippine passport holder. Inilahad umano ni Bautista sa kanyang custom baggage declaration form na may dala siyang mga imported item habang wala namang dineklarang bagahe si Gaddi.
Pero natuklasan sa physical examination sa bagahe ni Bautista na may laman itong abortion pills na tinatayang may kabuuang street value na P24,400,000.

Kabilang sa mga abortion pills na nasamsam sa bagahe ni Bautista ay 40,000 tableta ng Pfizer Cytotec Comprimidos Misoprostol 200mgc; 3,500 tableta ng Augmentin 625mg; at 34,910 tableta ng Pfizer Cytotec Misoprostol 200UG.

Pero, wala umanong maipakitang documentary evidence sa mga nabanggit na importation katulad ng permit. Dahil dito, pinabatid sa kanila na labag ito sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Bureau of Food and Drugs (BFAD) Advisory No. 02-02 kung kaya’t nirekomenda ang pag-isyu ng warrant of seizure and detention sa mga gamot.

Ibinigay naman sina Bautista at Gaddi sa kustodiya ng ESS Legal Investigation Unit ng BOC para sa inquest proceedings at sinampahan ng kasong paglabag sa Section 118 (b) ng RA 10863 o importation/exportation ng gamot na nagdudulot ng abortion sa Pasay City Regional Trial Court.
Nabatid na nagpakilala pa diumano si Bautista na anak ng dating Sen. Revilla Sr. matapos itong arestuhin.
Kinalkal
pagkatao,
mga negosyo

Sa pag-iimbestiga ng AMLC, nalaman na si Bautista, na isang estudyante, ang may-ari ng Magbanua Construction na nirehistro sa Department of Trade and Industry noong Hunyo 27, 2018. Pero nang i-search sa AMLC database ang pangalan ni Bautista at ng Magbanua Construction ay negatibo ang resulta.
Natuklasan din ng AMLC na may dalawang account sa Metrobank si Gaddi at isa rito ay joint account nila ng kanyang inang si Wilmen Perez Gaddi.

Lumalabas din na pag-aari niya ang Glen More Fitness Gym sa Sampaloc, Maynila at ang Gmore Cash sa San Isidro, Quezon City. Pero nag-isyu ng certification ang Bureau of Permits ng Maynila noong Abril 10, 2019 at sinabing walang business permit na inisyu para sa Glen More Fitness Gym. At nang i-search ito sa AMLC database ay wala ring nakitang rekord ng gym at Gmore Cash.

Nabatid pa ng AMLC na nagbukas si Gaddi ng passbook regular account noong Hunyo 17, 2004 at dineklara na ang kanyang source of funds mula pa noong 2010 ay galing sa kanyang negosyo, ang Glee Skies Partner Co. kung saan sumusuweldo umano siya ng P25,000 pataas.

Gayunman, sinara umano ang nasabing account noong Setyembre 5, 2017 o dalawang araw matapos na ikustodiya si Gaddi ng BOC.

Pero sa DTI certification, nalaman na hindi nakarehistro sa kanila ang Glee Skies. Nalaman pa sa imbestigasyon na partner ni Gaddi sa Glee Skies ang kanyang inang si Wilmen at Rome P. Gaddi at ang starting capital nito ay mahigit P2 milyon lamang.

Nag-isyu rin ng certification ang Bureau of Permits na may petsang Pebrero 4, 2019 na nagsasabing ang Glee Skies na matatagpuan sa Sampaloc, Maynila ay nagnenegosyo ng mga ready-to-wear (RTW) item simula pa noong 2008.
Milyones pumaso­k, lumabas sa joint account ng mag-ina

Sa binuksang joint account ni Gaddi at ng kanyang ina noong Nobyembre 15, 2004, dineklara nila na mga self-employed sila at ang sources of funds ay sa pagnenegosyo, trading, drugstore at RTW. Dineklara rin ni Gaddi na nagnenegosyo siya ng RTW/Bag.

Nabunyag din sa AMLC database ang 34 na malalaking bank transaction sa naturang account mula Hulyo 14, 2010 hanggang Setyembre 6, 2017 kung saan nagkaroon ng milyones na paglabas-masok ng pera sa account.

Batay sa AMLC, may probable cause na ang mga natuklasan nila sa mga bank account ng mag-inang Gaddi ay may kaugnayan sa iligal na aktibidad ng smuggling at money laundering.

Nakasaad sa CA 4th Division resolution na batay sa ‘verified allegations’ na inihain ng AMLC sa hinihingi nitong freeze order, lu­malabas na nagsisilbing front lamang ang mga negosyo ni Gaddi para itago ang kanyang ‘unlawful activities’.

Dahil dito, kinatigan ng CA ang petisyon ng AMLC at nag-isyu ng freeze order sa mga bank account nina Gaddi sa loob ng 20 araw. Inatasan din ang AMLC na magsumite ng report hinggil sa ginawan­g aksyon kaugnay sa kautusan ng CA.

Pinirmahan nina Associate Justice Ramon A. Cruz, Celia C. Librea-Leagogo, at Gabriel T. Robeniol ang freeze order noong Nobyembre 11, 2009.