Abante Tonite Interactive

Anak nilibing ng magulang sa gilid ng bahay

551

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sanitation Code ang isang mag-asawa matapos na ilibing ang kanilang namatay na sanggol sa labas ng kanilang bahay sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa report ng CDO Police, may nagsumbong sa kanilang tanggapan kaugnay sa umaalingasaw na amoy sa kanilang lugar kaya agad na nagresponde at inimbestigahan ang lugar at doon na natuklasan na may isang 8-buwang gulang na sanggol ang inilibing sa may gilid ng bahay.

Base sa pagsisiyasat, mismong kapatid ng nasawing sanggol ang nagturo sa mga pulis kung saan inilibing ng kanyang hindi na pinangalanang ama ang namatay na sanggol, may isang buwan na ang nakalilipas.

Nabatid na nagkaroon ng mataas na lagnat ang sanggol na ikinasawi nito.

Dulot ng kahirapan ay hindi na nagawang i-report pa ng mga magulang ang sinapit ng sanggol at inilibing na lamang umano sa labas ng kanilang bahay.

Sa kabila nito ay hindi inaalis ng pulisya ang anggulong may naganap na foul play kaugnay sa pagkamatay ng bata.

Sa ngayon ay nakakulong ang mag-asawa sa CDO police station. (Vick Aquino)