Abante Tonite Interactive

Anakalusugan party-list swak sa grupo ni Digong

0 93

Sinigurado ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), isang malaking political party sa bansa na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanilang suporta sa Anakalusugan party-list para makapasok sa Kongreso sa darating na 2019 midterm elections.

“Itong Anakalusu­gan party-list lamang ang tanging susuportahan at iboboto ng ating Partido Federal,” pahayag ni Harvey Lauglaug, ang kumakandidatong bise mayor sa ilalim ng PFP para sa munisipalidad ng Dumalinao, Zamboanga del Sur.

Ginawa ni Lauglaug ang pahayag sa naganap na pulong nitong nakaraang Lunes ng mga lokal na opisyal at kumakandidato mula Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte kasama ang ilang representatibo ng Anakalusugan sa pamumuno ni Ower Andal, dating ge­neral manager ng Phi­lippine National Railways (PNR).

Ayon naman kay James Adraincem, PFP provincial officer ng Zamboanga del Norte, sila ay natutuwa sa pagsali ng Anakalusugan sa Kongreso dahil ang usaping pangkalusu­gan ng bawat mamamayang Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, ay dapat matutukan upang sa gayun ay makapagpanday ng mga karampatang batas.

Sinabi nito na sapol na sapol ng Anakalusugan party-list ang kailangan ng bawat mamamayang Pilipino para sa malasakit at pagkalinga, lalo na sa pangangalaga sa kanilang kalusugan.

“Sa totoo lang, nagdesisyon ang PFP na buhatin ang Anakalusugan party-list sa 2019 elections matapos ang pa­litan ng mga ideya at suhestiyon. Namangha kami sa adbokasiya at agenda ng party-list na ito kaya ngayon ay idinedeklara ng PFP ang lubos na suporta nito,” ani Adraincem.

“Napagkaisahan ng bawat partido na mas tututukan namin ang malasakit at pagkali­nga sa mga kababa­yan nating lubos na nanga­ngailangan ng tulong-medikal. Siyempre, wala tayong sinisino dito dahil mahirap o mayaman ka man, swak ka sa ating adbokasyang pangkalusugan. Dapat lahat ng sektor ng ating lipunan ay makinabang sa mga programang pangkalusugan ng ating gobyerno,” dagdag nito.
Nagalak naman si Andal sa naging deklarasyon ng PFP para sa partidong kanyang kinaa­a­niban.