Abante Tonite Interactive

Andaya, Napoles sabit pa rin sa 900M Malampaya fund

By
0 142
Ibinasura ng Sandiganbayan sa kawalan ng merito ang mos­yon nina House Majority Leader Rolando Andaya Jr. at Janet Lim Napoles na idismis ang 194 criminal case na inihain laban sa kanila kaugnay sa P900 milyong Malampaya fund scam.

 

Kasunod ng pagbasura ng Sandiganbayan Third Division sa mosyon nina Andaya at Napoles ay itinakda ng graft court sa Enero 18, alas-8:30 nang umaga ang arraignment sa dalawa.

 

Abante Hiring – IT dep

Maliban kina Napoles at Andaya ibinasura din ng Sandiganbayan ang kahalintulad na mosyon nina dating Agrarian Reform Secretary at Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman at mga anak nina Napoles na sina James Christopher at Jo Christine.

 

Ang kaso ay nag-ugat sa na­ging diversion ng pondo mula sa Malampaya para sa mga relief operation, rehabilitation at reconstruction ng mga lugar na naapektuhan ng bagyong Ondoy at Pepeng.

 

Ang P900 milyong pondo na ipinalabas ni Andaya, na noon ay Budget Secretary, ay ipinadaan sa Department of Agrarian Reform (DAR) bilang implemen­ting agency subalit napunta ito sa 13 bogus non-government organization ni Napoles.

 

Una nang idinepensa ni Andaya na walang batayan at walang ebidensiya ang kasong isinampa laban sa kanya subalit hindi ito kinonsidera ng graft court habang depensa naman ni Napoles na isa siyang pribadong indibidwal na walang access o kontrol sa mga public fund ngunit sinabi ng Sandiganbayan na mismong ang Korte Suprema na ang nagsabi sa kanilang ipinalabas na resolusyon noong 2018 na conspirator ang mag-iinang Napoles sa nasabing kaso.