Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Andrew E. nagtago sa mga pulis

0 430

NI: ARCHIE LIAO

Sa online show na “Toni Talks” ni Toni Gonzaga, naikuwento ni Andrew E ang kanyang mga pinagdaanan noon bago pa man siya nakilalang godfather of Pinoy rap sa bansa.

Literally, dumaan daw siya sa butas ng karayom para makamtan ang inaasam na kasikatan.

Katunayan, ang dami raw niyang rejections dahil tanggap naman niya na hindi naman siya iyong tipong looks ang panlaban sa pagbabaka-sakali sa showbiz kundi ang talent sa pagkanta.

Kumbaga, pumatok daw siya sa masa dahil sa novelty ng kanyang songs.

Naibahagi rin niya na para maka-penetrate sa showbiz, nag-audition daw siya sa “That’s Entertainment”noon. Nakasabay pa niya ang alumna ng show na si Donita Rose.

Tinanong daw siya noon ng yumaong Master Showman na si German Moreno kung marunong siyang kumanta o sumayaw pero negative ang kanyang naging sagot.

Pero, inihirit daw naman niyang puwede siyang mag-rap pero dahil bago pa raw noon ang ganitong genre ay hindi raw ito na-appreciate ni Kuya Germs kaya ang ending ay na-reject siya.

Nawindang lang daw siya na ang kapanabayan niya noon na si Donita Rose ay agad na natanggap kahit wala itong talent sa pagkanta o pagsayaw.

Nang ikinuwento raw niya ito sa aktres, natatawa na lamang daw ito at naalala siya bilang ang lalaking ‘maitim’ na katabi raw niya noon.

Dumating din daw siya noon sa puntong gusto na niyang mag-give up sa showbiz dahil feeling niya ay hindi na darating ang kanyang break.

Katunayan, there came a time na desidido na siyang sunugin ang kanyang mga komposisyon hanggang sa dumating ang offer ng Ventures ni RJ Jacinto na bilhin ang kanyang mga kanta.

Isa rin sa mga hindi niya malilimutang karanasan ay nang maging suspect siya sa hit and run case.

Ito raw iyong mga panahong nagtago siya sa mga pulis at ginugol niya ang kanyang panahon sa paglikha ng mga awitin.

It turned out na wala namang mapatunayang guilty siya sa kaso.

Isa pang malaking setback sa kanya ay nang mabintangan siya ng plagiarism ng kanyang obrang “Humanap ka ng Panget.”

To top it all, nagpatatag daw sa kanya ang kanyang mga naging kabiguan. Lagi niyang sinasabi sa mga taong dumaranas ng pareho niyang pagsubok na anuman ang inaakusa sa iyo na di napapatunayan, mas lalo ka pang magniningning.

Sa naturang panayam, nabanggit din ni Toni sa master rapper ang tungkol sa sinabi sa kanya ng kapatid na si Alex tungkol track record nito sa pag-eendorso ng mga ikinakampanyang kandidato.

Aminado naman si Andrew na wala pa siyang kinampanyang natalo tulad ni BBM.

Hirit pa niya, mataas daw ang batting average niya pagdating sa public approval ng kanyang mga ini-endorso base sa karanasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.