Abante Tonite Interactive

Ang aking FB

By
821

Dati, ‘yung Facebook account ko, binabantayan lang ng mga magulang para sa mga anunsyo ng suspension ng classes. Du’n ko kasi piniling mag-announce para mabilis kumalat ang balita.

Lalo na ‘pag may bagyo. Hindi ka tatantanan ng mga bata… kukulitin kang mag-announce bago sila matulog… para mas mahaba ang tulog. Para makapagplano ng gagawin kinabukasan.

Problema nga lang, ang bagal namang dumating ng ulan, kaya minsan, wala talagan­g makitang batayan para mag-suspend nang maaga. Mabuti kung Pagasa, kakampi sa kanila at magsasabi na may darating ngang unos. Kung wala, ikaw ang tatantya at magbabasa ng weather. Kadalasan, maliwanag, mataas ang araw. Tapos, sa mismong oras ng pagpasok, siya namang bagsak ng malakas na ulan. Tapos ‘pag nag-suspend ka, sasabihin nila, “Mayor atrasado naman ang anunsyo niyo. Nakapasok na ang mga bata.”

Dumami ang mga follower ng account ko dahil dito. Pinalawig ko na ang laman ng account. Pinili ko na maging tampulan din ito ng mga proyektong nilunsad ko. Araw-araw, nilalagay ko ‘yung mga gawaing nakasked for the day. Gagawin ito nang higit sa 300 katao na nagre-report sa opisina ko kada alas-siyete ng umaga para ibigay ko ang direktiba kung saan sila gagawa. May pintor, karpintero, mason, labor, machine operator, welder at clearing team.

Sa ganu’ng paraan, nasusubaybayan ng mga tao ang parating na trabahante na gagawa ng kanilang mga kanal, magsesemento ng durog na kalye, o kokolekta ng mga ga-bundok na basura. Naipaparating din nila ang mga gawaing nakaligtaan ng gobyerno… o naisantabi. Ipapakita nila kung gaano kahalaga ang naudlot na programa. ‘Pag nabasa ko, gagawa ako ng paraan para magawa ito agad.

Walang puknat. 5 taon ko na siyang ginagawa. Maraming comment. Maraming maganda. Maraming nagpapasala­mat. Merong naiinggit at makikiusap na ayusin din ang kanilang lugar. May ilan-ilang hindi masaya. Pero ok na rin. Sila pa rin ‘yung dati nang hindi sumaya anumang mabuti ang nagawa ng gobyerno. Sa pangkalahatan. Pakiramdam ng tao ang lapit-lapit nila sa gobyerno. Isang post, isang tawag, isang comment. Lahat pilit sinasagot at tinatrabaho.

Umayon naman ang panahon. Nagkaroon ng pangatlong aspeto ang FB. Ang maglabas ng mga la­rawan ng pamilya at mahal sa buhay. Tuwing Linggo, nandoon ‘yung share ng paglabas, bon­ding at samahan na pinipilit bumuo ng isang maayos na samahan. Nandu’n din ‘yung mga ordinaryong araw na halos sumasalamin din sa buhay ng isang ordinaryong tao. Pagpunta sa palengke, panonood ng sine, paghanda ng hapunan at marami pang iba. Ito ang mga post na kinagigiliwan ng mga tao. Base ‘yan sa dami ng nagla-like sa mga larawan at kuwentong buhay.

Ang social media ay isang instrumento na epek­tibong magagamit para ipaalam kung ano ang halaga ng gobyerno at kung ano ang nagawa nito para sa tao. Masaya ang mga tao. Masaya ang nasa gobyerno. Nagkakaintindihan kami. Nagmamalasakit sa kapwa. At tumutupad sa aming kanya-kanyang role sa buhay.
Salamat sa Facebook. Nagkakilala kami nang mabuti ng Cainta.