Abante Tonite Interactive

Ang aso sa panaginip

203

Nanaginip po ako na nakaupo ako sa isang lugar habang naghihintay kami mag-inuman ng mga ka­kilala ko. At dahil tinigilan ko na ang pag-inom, naisip kong umalis. Bumababa ako sa hagdan nang madaa­nan ko ang isang asong nakahiga.

Bigla na lang ako kinagat ng aso na parang isinalya ako para bumalik sa itaas. Pagbalik ko sa inuman ay napansin ko na ang kagat ng aso ay hindi dumugo at nakabakat lamang. Malalim ang bakat sa pagitan ng aking kanang hinlalaki at hintuturo. Ano po kaya ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Ang aso ay karaniwang sumisimbolo ng proteksyon. Puwedeng ikaw ang sinisimbolo ng aso at puwede rin namang mga taong malalapit sa iyo dahil ang aso ay sumisimbolo rin sa loyalty. Ang kagat ng aso sa panaginip ay itinuturing din na isang simpleng warning.

May ibig sabihin din kung saang kamay ka kinagat ng aso. Ang kanang kamay ay sumisimbolo sa lakas at sa iyong masculine side — sa iyong pagkalalaki. Ang kagat ng aso sa kanang kamay ay nagpapakita na ang iyong subconscious ay nakakaramdam na merong nakakasakit sa iyong pagkalalaki.

Maari rin itong ikonek sa emotional self-defense na kadalasan ay nag-uugat sa pakiramdam na merong hindi nagiging tapat sa iyo at nasasagasaan na ang iyong pagkalalaki.

Ang senaryo naman na umikot sa isang eksena sa inuman ang iyong panaginip ay isa ring indikasyon na maaaring may pinagdaanan ka ngang sitwasyon kung saan nakanti ang iyong masculine side.

Ang kagat na hindi naman tumalab ay nagpapa­kita rin na merong inner conflict sa pagitan mo at sa isang taong malapit sa iyo subalit ang conflict na ito ay maaaring nararamdaman mo pa lamang at hindi pa aktuwal na nangyayari. Kumbaga ay masa­sabing hindi ka na komportable sa nararamdaman mong tensyon.

Kung sa iyong panaginip ay hinabol ka pa ng aso, maikokonek mo naman ito sa posibleng pagtatangka mong makaalis sa isang negatibong sitwasyon.

Sa isang makalumang paniniwala, sinasabi namang meron tayong animal spirit guide at nagbibigay ito ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip. Kung ito ang gagamitin mong simbolismo, ang aso ay nagwawarning sa iyo.

Anuman ang ating sitwasyon sa buhay, tayo pa rin ang nananatiling may kontrol. Alalahanin din na bawat pinagdaraanan natin ay pansamantala lamang at ang lahat ay bahagi ng proseso para gawin tayong higit na matatag.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com