Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang ‘bait’ naman ng Russia

0 106

Maraming kababayan natin mga tropapips ang butas na ang bulsa dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga produktong petrolyo. Ang Russia kaya ang magsasalba sa Pinas at handa kaya itong tanggapin ng mga Pinoy?

Ngayon pa lang, may mga tropapips tayong nagmumungkahi na dapat magkaroon ng pagpupulong ang mga kinauukulang opisyal ni incoming Presideng Bongbong Marcos para talakayan ang krisis sa pampublikong transportasyon.

Hindi na nga naman kasi maitatanggi na may krisis sa sektor na ito dahil ang diesel na gamit ng mga PUJ ang mas nasasapul sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. May mga kakilala nga tayong nakaka-“L-L” o luwag-luwag sa buhay, pero umaaray na rin sa gastusan sa diesel.

Kasi nga naman, nang bumili sila ng mga sasakyan na malalaki ang makina, pinili nila ang sasakyang de-diesel dahil mas mura kaysa sa gasolina. Pero noon iyon, ngayon, halos kapantay na ng gasolina ang presyo ng diesel.
At kung mas malaki ang makina ng sasakyan, natural na mas malaki ang gastos.

Pero mas matindi ang hagupit ng taas-presyo sa tsuper ng jeepney na kakarampot lang ang kita sa pamamasada. Mula Enero hanggang ngayon, halos nagdoble na presyo ng diesel. Kaya hindi mahirap kuwentahin na halos kalahati na rin ang kita na nawala sa mga tsuper dahil hindi naman maisabay ang taas singil sa pamasahe.

Suwerte ang mga operator at driver na pasok sa Libreng Sakay program, o Service Contracting Program (SCP) ng pamahalaan at maging ng mga LGUs, na inaarkila ang mga sasakyan para magsakay ng mga pasahero nang libre.

Iyon nga lang, kung may kabulastugan sa naturang programa, mas suwerte ang mga buraot na kurap. At suwerte rin kung kumag ang operator o driver na dadayain ang biyahe niya para makatipid sa ikot.

Ang kawawa kapag may mga kalokohan sa ganitong programa, ang mga pasahero na naman. Ang nangyayari ngayon, pahirapan na sa pagsakay ang mga kawawang manggagawa, trapik sa daan, mahal pa ang pamasahe.

Pero hindi lang ang mga pasahero ang kawawala, alalahanin natin mga tropapips na may pamilyang sinusuportahan ang mga tsuper na napipilitang tumigil sa pamamada dahil sa mahal na produktong petrolyo. At malaman na marami sa kanila ang may mga anak na pinag-aaral na posibleng matigil.

Kaya hindi lang “pantawid” ang kailangan ng mga tsuper kung hindi suporta rin sa mga anak nilang nag-aaral. Kahit man lamang doon sa mga nasa pampublikong paaralan o unibersidad.

At kamakailan nga mga tropapips, may nakakatuksong alok ang Russian Ambassador na si Marat Pavlov nang mag-courtesy call siya kay BBM. Handa raw tumulong ang kanilang bansa sa Pilipinas sa harap ng krisis ngayon sa langis.

Ang isa sa mga itinuturong dahilan ng oil price hike sa mundo ay ang ginawang pambabarako ng Russia sa Ukraine hanggang ngayon. Ang Russia ang isa sa mga bansang big time na oil exporter.

Pero dahil sa ginawa nila sa Ukraine, itinigil ng maraming bansa ang pagkuha ng langis mula sa Russia, partikular na sa Europe para pilayin ang kanilang ekonomiya. Kaya kung totoo at hindi “char” ang sinabi ni Pavlov na tutulungan nila ang Pinas sa langis, malamang makakahinga tayo sa taas presyo ng langis.

Iyon nga lang, kapag tinanggap natin ang alok ng Russia, mistulang tinatanggap na rin natin ang ginagawa nilang pag-atake sa Ukraine. Eh paano kung gawin ng China sa Pilipinas ang ginawa ng Russia sa Ukraine?

Sa administrasyon ni President Mayor Digong Duterte, kabilang ang Pilipinas sa nagkondena sa ginawa ng Russia sa Ukraine. Kabilang ang Pilipinas sa mga bumoto para suspindihin Russia mula sa United Nations Human Rights Council (UN HRC).

Ngayon ang tanong, sa harap ng krisis na ito sa langis, keri lang ba na tanggapin natin ang langis ng Russia kahit na hindi ito magiging maganda sa paningin ng ibang bansa? Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.