Abante Tonite Interactive

Ang desisyon

By
371

Noong isang linggo ay nagpasya ang mamamayan sa kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa kani-kanilang komunidad.

Matapos ang dalawang beses na pagpapaliban sa barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE), naglaban-laban sa siyam na araw na kampanya ang mahigit isang milyong kandidato para sa mga posis­yon sa mahigit 42,000 mga barangay sa buong bansa. Sa July 1 ang simula ng termino ng mga pinili nating kandidato.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, malaking porsiyento ng bilang ng mga botante ang lumabas ng kanilang bahay upang bumoto, wala ring nangyaring failure of elections, at naging matiwasay ang halalan sa pangkabuuan.

Importante ang obserbasyon ng Comelec, lalo’t kung gusto na­ting marinig ang boses ng nakararaming Filipino. Sa demokrasya, ang suffrage o ang karapatang bumoto ang pangu­nahing paraan natin sa pag-impluwensiya sa kung papaano patatakbuhin ng gobyerno ang ating bansa. Kada tatlong taon, nagkakaroon ng ticket sa pamamahala at pagmamapa ng Pi­lipinas ang bawat isa sa atin, mahirap ka man o mayaman, babae ka man o lalaki o maging ano pa man ang iyong lahi, kaya huwag na huwag natin itong sasayangin.

Ang eleksiyon ay isang selebrasyon. Napansin natin noong election day na maraming kabataan o mga millennial ang nag-post sa kani-kanilang Facebook account ng picture ng kanilang index finger na may indelible ink. Siguro, first time voter ang karamihan sa kanila at ito ang kanilang pagsilang sa lilim ng demokrasya kaya proud na proud sila.
Kung nangibabaw ang demokrasya sa katatapos na BSKE, may ilang puwersa ang nagtulak na hadlangan ito. Sa katunayan, aabot sa 1,000 kandidato sa BSKE ang hindi pina­yagan ng Comelec na maiproklama dahil nahaharap sila sa iba’t ibang kaso ng disku­walipikasyon.

Bago ang halalan, nagbigay ng mabigat na babala si Undersecretary Martin Diño sa mga pinuno ng lungsod at munisipalidad dahil sa kanilang pagiging partisano sa BSKE. May mga ulat kasi na nakarating sa kanya na ginagawang one-stop shop ang ilang city hall at munisipyo para sa mga campaign material ng kanilang mga minamanok na kandidato. May nakalap din ang mga tauhan ni Undersecretary Diño na ginagamit ang ilang social welfare program ng city hall at munisipyo para makaimpluwensiya ng boto o kundi man ay diretsong vote buying.

May mga nagsasabi naman na mayroon din tayong kababayan na sa tuwing eleksiyon ay naghahanap ng tunay na pagbabago pero iyon at iyon din naman ang ibi­noboto.

Sa gitna ng lahat ng ito, naniniwala pa rin ang inyong lingkod na bumoto ang mga tao sa maraming barangay base sa kanilang paniniwala at prinsipyo. Kasama rito ang mga Marikeño, siyempre.