Abante Tonite Interactive

Ang Destinasyon ng mga Kaluluwa

By
1,521

Ang mga tao ay nilikhang may kaluluwa. Ito’y tinatawag na espiritu. Ang mga espiritu raw natin ay banal at kung minsan ay tinatawag rin natin itong konsensiya. Kaya ang isang taong hangal na gumagawa ng mga kasalanan at kabalbalan sa buhay ay sinasabihan na walang konsensiya o walang kaluluwa.

Ito ay sa kadahilanan nga na ang lahat ng tao ay may kaluluwa na siyang nag-uudyok ng mabuti sa tao para hindi masadlak sa kasamaan. Mula sa pagsilang pa lang hanggang sa ating paglaki ay nasa loob na natin ang ating kaluluwa. Gumagalaw at kumikilos tayo ayon sa ating espiritu.

Subalit paano naman kung namatay na ang isang tao? Saan patutungo ang kanyang kaluluwa?

Ayon sa Simbahang Katoliko, may langit at mayroon ding impiyerno. Sa langit inaasahang napupunta ang mga kaluluwang gumawa ng kabutihan habang sila ay nasa katawang tao, samantalang ang kaluluwa naman na nabulid sa kasamaan ay dumede­retso sa dagat ng apoy na tinatawag na impiyerno. Meron ding sinasabing porgatoryo.

Dito naman daw napupunta ang mga kaluluwa na nahati sa kabutihan at kasamaan noong namamalagi pa sa lupa. Sa porgator­yo ay nabibigyan sila ng pagkakataon na makaakyat sa langit kung mapapatunayan nila na mas nakalalamang ang kabutihang dinadala ng kanilang kaluluwa.

Pero gaano nga ba katotoo ito? Mayroon bang makapagpapatunay?

May mga nabalitaan ako noon na mga ­taong namatay na at muling nabuhay. Ayon sa mga taong ito, ang kanila raw kaluluwa ay nagpagala-gala lamang sa kung saan-­saang lugar. Mga lugar na pamilyar at hindi pa­milyar. Napunta rin sila sa kalawakan at nagpalutang-lutang doon.

Tila isang lumilipad na dahon na tinatangay lamang ng hangin. Wala raw silang malamang punta­han hanggang sa muli nilang matagpuan ang katawan at makabalik rito. May mga nagsasabi naman na baka ang karanasang ito na ikinukuwento nila ay isa lamang panaginip at ang totoo ay hindi naman talaga umalis ang kanilang kaluluwa sa kanilang katawan. Subalit hindi lamang isa ang nagpatotoo nito kundi marami sila. Ito ‘yung mga tao na nako-coma at nakakabalik sa kamala­yan sa oras ng kanilang tuluyang paggaling.

Isang kakilala ko ang nagkuwento rin sa akin na nakaranas ma-comatose. Ayon sa kanya, akala raw niya ay patay na siya dahil nakita niya ang kanyang sari­ling katawan. At dahil hindi siya makabalik ay umalis na lang siya at hinanap ang kanyang mga mahal sa buhay.

Natagpuan naman niya sila pero hindi niya mahawakan o makausap dahil isa na nga siyang kaluluwa. Hinihintay na lang niya na may liwanag na kumuha sa kanya at higit sa lahat ay hinihintay niyang magpakita sa kanya ang Diyos.

Pero hindi raw ito nangyari at sa halip ay parang kaluluwang ligaw siya na kung saan saan napadpad. Hindi raw niya maintindihan ang kanyang nararamdaman, masyado siyang magaan na kasing-gaan ng hangin.

Hanggang sa mamalayan na lang niya na naigagalaw na niya ang kanyang daliri. Naka­balik siya sa kanyang katawan kaya ganoon na lang ang pasasalamat niya.

Dahil doon, ang ikalawa niyang buhay ay inalay na niya sa Diyos. Marahil kaya daw hindi pa ito nagpakita sa kanya ay dahil hindi pa niya talaga oras. Kaya marahil ang kanyang kaluluwa na humiwalay sa kanyang katawan ay nagpagala-gala lamang.

Totoo man o hindi ang kuwentong ito, anuman ang ating pinaniniwalaan, kaila­ngan nating paghandaan ang paghiwalay ng kaluluwa sa ating katawan. Upang sa oras na iyon ay hindi tayo magsisi at hayaan lang ­natin kung saan man ang destinasyon nito.