Abante Tonite Interactive

Ang eleksyon at MMFF

249

By Rey Marfil

Goodbye 2018 at hello 2019 ! Nabalikan n’yo na ba ang mga nangyari sa inyo sa nagdaan taon at handa na ba kayong harapin ang bagong taon katulad ng mga kakandidato sa darating na halalan sa Mayo?

Malamang na marami sa mga kababayan natin ang naharap sa mga pagsubok nitong 2018. At siyempre, malamang na marami din ang na­ging bongga ang buhay sa nagdaang taon. Pero ika nga, past is past, at ang mahalaga ay harapin [siyempre] ang hinaharap.

Kaya kung nagagawa mo pang pumindot sa cellphone at computer, kaya mo pang magbasa, at may nagagamit kang Internet, at higit sa lahat malusog ang katawan at kompleto ang pamilya, ibig sabihin eh nakaligtas ka sa mga peligro tulad ng mga paputok at sunog. Kaya dapat kang ma­ging masaya kahit pa nagkaroon ka ng mga problema.

Ang malungkot ay ang mga kababayan natin na biglang nalagasan ng kaanak lalo na kung sa marahas na paraan. Ang matindi pa ay kung hindi nakilala ang mga salarin dahil hindi nila alam kung sino ang pa­nanagutin para mabigyan ng hustisya ang mahal nila sa buhay.

Dahil election year ang 2019, inaasahang na magiging masaya ito lalo na sa mga kandidatong malalakas at alam nilang malaki ang tiyansa nilang manalo. Pero sa mga nangu­ngulelat sa survey o hindi masasabing “safe” ang puwesto para manalo [lalo na ang incumbent], malamang iniisip nila na huwag na sanang matuloy ang eleksyon para manatili silang nakapuwesto.

Pero napansin ba ninyo may pagkakatulad ang eleksyon at sa mga pelikulang naglalaban sa Metro Manila Film Festival o MMFF? Ang mga kandidato na maraming pera o pondo at kilala, tiyak na angat sa mga survey. Habang sa MMFF, ang mga pelikulang pinagbibidahan ng mga sikat na artista at may malaking pondo para maglabas ng ads, mas tatabo sa takilya kahit sa tingin ng iba ay hindi kagandahan ang istorya.

Sa eleksyon, kahit mahusay ang kandidato at masasabing maganda ang kaniyang track record, hindi aangat sa survey kung walang sapat na pondo para makapagpalabas ng ads para makilala siya ng mga tao. Ganyan din ang nangyayari sa mga pelikula sa MMFF, na kahit mahusay ang pagkakaganap ng mga artista, mahusay ang istorya, at humakot ng maraming award, hindi pa rin masyadong tatangkilikin ng mga manonood dahil kulang sa ads.

Aarangkada lang sa takilya ang pelikula kapag gumana ang tinatawag na “word of mouth.” Ibig sabihin ay pag-uusapan na maganda ang pelikula at kakalat nang kakalat hanggang sa magkakaroon na rin ng interes ang iba na panoorin ang pelikula para malaman kung bakit ba iyon pinag-uusapan.

Pero sa totoo lang, dapat sigurong humanap ng paraan ang pamunuan ng MMFF kung papaano ma­tutulungan ang mga pelikulang kalahok nila sa festival upang mabigyan ng sapat na promotion—lalo na sa telebisyon para malaman ng mga tao na may ganun palang pelikula. Ang nangyayari kasi, kung may programa sa telebisyon ang isang bida sa pelikulang kasali sa MMFF, may bentahe na siya na banggitin nang banggitin sa programa niya ang pelikula. Papaano ang ibang kalahok? Nganga na lang!

Samantala, hindi natin alam kung uubra ba sa mga kandidato ang bisa ng “word of mouth.” Pero kung sa tingin nyo eh karapat-dapat na manalo ang isang kandidato dahil mahusay siya at matino, at makagagawa ng maganda para sa ba­yan, aba’y gumawa kayo ng paraan kung papaano nyo siya mapag-uusapan at makikilala ng mamamayan. Sa panahon ngayon ng social media, ika nga eh walang himala, este imposible. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”