Abante Tonite Interactive

Ang ‘Full ECQ Impact[o]’ ng Meralco

0 381

Kung hindi bawal ang mass gathering dahil sa COVID-19, sinabi ng mga kurimaw nating walang aircon sa bahay na malamang na nilusob na raw ng mga galit na kostumer ang opisina ng Meralco dahil sa nakaka-high blood na istayl ng pagkuwenta nito sa singil sa konsumo ng kuryente sa mga kabahayan sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine.

Pero bago ‘yan, alam nyo ba mga tropapips na lumagda sa isang sulat-petisyon ang mga lider ng mahigit 140 na bansa para hilingin na dapat maging libre o walang patent ang gamot na madidiskubre laban sa COVID-19.

Sa lawak ng pinsalang idinulot ng made in China virus na ito, mahihirapan nga naman ang mga mahihirap na bansa na makaagapay sa gamot. Ang mangyayari mga tropapips, ang mga mayayamang bansa ang mauunang magkaroon ng gamot kung naka-patent ito. Mas maganda nga naman kung libre sa lahat ng bansa ang gamot at maipakalat agad sa lahat ng apektadong bansa.

Pero kung igigiit naman na dapat may bayad ang madidiskubreng gamot laban sa COVID-19, aba’y dapat ang China ang magbayad ng mga ito at ipamigay sa lahat ng bansang naapektuhan—kabilang ang BFF nilang Pilipinas.

Inaasahan na matatalakay ang naturang liham-petisyon sa gaganaping pagpupulong ng World Health Organization, at inaasahan ng mga lumagdang mga lider na susuportahan sila ng World Health Assembly.

Samantala, habang problemado pa ang marami nating kababayan kung papaano makapagsisimula muli dahil mahigit dalawang buwan na silang walang kabuhayan, aba’y dumagdag pa sa problema nila ang Meralco.

Kung tutuusin, hindi naman talaga mawawala sa listahan ng problema ng mga tao sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, ang Meralco dahil gumagamit pa rin naman ng kuryente ang mga tao sa kanilang mga bahay habang ECQ. Ang hindi lang nila inaasahan, pabibigatin pala lalo ng Meralco ang kanilang problema.

Dahil hindi nag-reading ang Meralco mula nang ipatupad ang ECQ noong Marso 15, aba’y ibinase na lang daw nila sa nakalipas na tatlong buwan ang singil sa Marso at Abril. Ang matindi, pagdating ng Mayo, aba’y bukod sa hinulaan ang babayaran ng mga tao, hinulaan din nila ang konsumo sa panahon na nasa bahay lang ang mga tao at mas mainit ang panahon, ang resulta, dumoble o higit pa ang singil sa Mayo. Ang tawag nila dito—full impact kuno ng ECQ.

Reklamo ng ating mga kurimaw, paano at anong basehan ng Meralco na higit sa doble ang kakainin o konsumo ng kuryente ng mga tao kahit nasa bahay lang? Hindi naman daw dahil nasa bahay lang eh magwawaldas na ng kuryente ang mga tao. At iilan lang naman din ang naging work from home.

May kurimaw din tayong nagulantang na makatanggap ng singil sa kuryente sa kaniyang tinutuluyan gayong wala siya sa bahay dahil inabutan ng ECQ sa ibang lugar. Ganito rin ang himutok ng iba na may negosyong gumamit ng kuryente bago ang ECQ pero natigil. Kaya sa halip na dapat bumababa ang konsumo nila, aba’y lalong tumaas dahil sa hula-hula system ng Meralco.

Si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, tinawag na gahaman ang Meralco dahil gusto pa ring magtubong-lugaw kahit may pandemic na nagaganap. Nadamay pa sa galit ng mga tao ang mga Lopez ng ABS-CBN dahil akala nila eh mga Lopez pa rin ang may-ari nito. Pero ang totoo, pag-aari na ito ngayon ni Manny Pangilinan.

Hinala ng iba, mukahang gusto raw yatang bumawi ng Meralco sa mga residential costumer ang nawalang kita nila sa mga industriya dahil walang negosyo sa panahon ng ECQ. Baka kapag nalaman ni President Mayor Digong Duterte ang kalokohang ito ng Meralco eh bawiin niya ang pakikipagbati kay Pangilinan at murahin na naman niya at tawagin ding gahaman. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad