Abante Tonite Interactive

Ang ‘GG’ mo!

By
209

Kapag bigas ang pinag-usapan, NFA [National Food Authority] rice ang bukambibig na pangsaing ng kababa­yan nating hikahos na dalawang kahig isang tuka. Pagdating naman sa isdang pang-ulam, baka magtaka ang mga millennial kung bakit ‘GG’ o galunggong ang itinuturing na isda ng masa.

Sa ngayon kasi, parang mahirap na nga namang paniwalaan na tsibog ng mga hikahos ang galunggong dahil nasa P150 hanggang P170 ang kilo nito sa mga palengke. Pero noong 1980s, abot-kaya ang presyo ng naturang isda at ginamit na paglalarawan ni dating Pa­ngulong Cory Aquino pagdating sa kalagayan ng mahihirap sa bansa.

Bakit nga naman hindi, aba’y sa halagang P40 hanggang P60 isang kilo noon ng GG [na kung pangkaraniwan ang laki ay posibleng nasa 10 hanggang 15 piraso] kaya nitong bumusog sa isang pamilya na may lima katao para sa buong araw. Kung ang luto eh sinabawan na may kasama pang sahog na gulay gaya ng talbos, puwede pang iprito ang iba para gawing ulam kinabukasan.

Abante Hiring – IT dep

Iyon nga lang, sa paglipas ng panahon, tumaas na nang tumaas ang presyo ng GG na parang pang-rich hanggang sa mahirap nang ma-reach ng mga poor. At ngayon, napipintong mag-angkat ng galunggong ang gobyerno para mahatak daw ang pres­yo ng mga isda pababa.

Inaprubahan ng Department of Agriculture ang kautusan para paya­gan ang pag-angkat ng GG mula sa ibang bansa gaya ng China at Taiwan at ibubuhos ito sa mga palengke para magkaroon ng kompetisyon sa presyuhan ng mga isda. Dahil konti raw kasi ang isda sa merkado bunga ng kakaunting huli, tumataas ang presyo nito.

Iyon nga lang, ganito rin ang intensiyon ng NFA nang mag-angkat sila ng tone-toneladang bigas mula sa ibang bansa para mapababa ang presyo ng commercial rice. Pero dumating na ang mga bigas pero hindi pa rin bumababa ang presyo ng commercial rice. Ang masaklap, limi­tado pa kung gaano karami ang puwedeng bilhin na NFA rice.

Ang masaklap sa planong pag-import ng GG, baka magmistulang magigisa sa sariling mantika ang mga Pinoy. Sabi kasi ng isang opis­yal ng Bureau of Fishe­ries and Aquatic Resources, baka galing din sa karagatan ng West Philippine Sea ang mga GG na maangkat natin partikular sa China. Alam naman natin na limitado na ang galaw ng mga mangi­ngisdang Pinoy sa naturang bahagi ng karagatan na sinasabing mayaman sa iba’t ibang uri ng yamang-dagat.

Kaya hindi lang ‘pride’ kung tutuusin ang pinag-uusapan kung may mga nanawagan na dapat igiit ng gobyerno ang karapatan ng mga Pinoy sa West Philippines Sea, kasama rin dito ang se­guridad natin sa tsibog o food security sa usapin ng suplay ng mga isda, hindi lang galunggong.

Sa pag-analisa na ginawa noon ng BFAR, sinasabing 26% ng fishin­g ground ng mga mangingisdang Pinoy na mula sa Pangasinan, Zambales, Bataan at Pa­lawan ay ang West Phi­lippine Sea. Bukod sa GG, mahuhuli rin sa lugar na ito ang maya-maya, lapu-lapu, iba’t ibang uri ng mga tuna at iba pang klase ng mga isda. Pero ngayon, mga Tsinoy na mangingisda ang nagpapasasa sa yaman na ito ng kalikasan.

Nang mawala ang NFA rice, sinabi ng mga opisyal natin na walang dapat ikabahala dahil walang rice shortage at maraming commercial rice, iyon nga lang mahal ang presyo na ‘di kaya ng mga pobre. Ngayong kakaunti ang GG sa merkado, baka humirit din sila na kalma lang at wala ring shortage sa isda dahil marami pang ibang uri ng isda na mahal din nga lang ang pres­yo. Bukod doon, mara­ming isda sa mga tindahan, nasa lata nga lang.

Uso ngayon ang advance mag-isip, at hindi dapat magpahuli dito ang ating mga opisyal. Baka puwedeng pag-ara­lan na ngayon ang mga alternatibong pagkukunan ng mga palay at mga isda sa loob ng Pilipinas at hindi iyong iniaasa natin sa ibang bansa ang se­guridad natin sa pagkain na pagkatapos ay lalabas na sa atin din pala galing. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”