Abante Tonite Interactive

Ang grupong umano’y nasa likod ng ‘EJK’ sa Tondo

Part 8

By
70

Iniugnay ng pulisya ang pagsangkot sa grupo ng CSG Tondo Chapter 2 sa pagpaslang sa tatlo batay sa nakuha nilang mga mensahe sa mga nakumpiskang mobile phone ng mga naarestong suspek sa pagpatay sa Saladaga.

Matapos iprisinta ng pulisya ang mga nadakip na miyembro ng CSG Tondo Chapter 2, inihain ng pulisya kinabukasan araw ng Biyernes, Pebrero 10 sa Manila City Prosecutor’s Office ang mga kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Grave Threat laban kina Manuel Murillo, Marco Mo­rallos at Alfredo Alejan, Jr. habang Grave Threat din ang isinampa kay Ricardo Villamonte na hindi kabilang sa mga nadakip.

Hiwalay ito sa kasong kidnapping at murder na isinampa ng mag-inang Cristina at Eximila Saladaga laban din sa apat at sa dalawang nakakalaya na sina Michael Sibucao at ang bayaw nito na nakilala lamang sa alyas ‘Onic.’

Pebrero 15, 2017 nang iutos ng tagausig sa Manila Police District (MPD) na magsagawa ng pang-unang pagsisiyasat sa ilan pang mga itinuturong sangkot sa pagpatay sa binatilyo na nananatiling nakalalaya pa kabilang sina Commander Maning, Sibucao at Onic.

Kasabay ito ng pagpapadala rin ng subpoena ng tagausig sa tatlong hindi pa nadarakip na nag-aatas na dumalo sila sa isasagawang pagdinig sa Office of the City Prosecutor sa Abril 20, 2017 upang sagutin ang ibinabatong akusasyon laban sa kanila ng pamilya Saladaga.

Gayunman, nang sumapit ang araw ng itinakdang pagdinig ng tagausig, naghain ng kanyang affidavit si Aling Cristina na nagsasaad na iniuurong na niya ang isinampang kasong Kidnappipng at Murder laban sa mga nadakip na suspek, pati na sa mga nakakalaya pa rin na umano’y kasabwat sa krimen.

Ito’y sa kabila ng pag-amin ni Murillo kay dating PNP chief Director General Ronald Dela Rosa at maging sa harap ng mga mamamaha­yag nang iprisinta sila sa media na sila nga ang dumukot at pumatay sa binatilyo.

Ipinaliwanag ni Aling Cristina sa kanyang sinumpaang affidavit na iniuurong na niya ang kaso matapos ang matamang pag-iisip at pagmumuni-muni sa mga nakalipas na pangyayari at napagtanto niya na ang kanyang ibinabatong akusasyon laban sa mga nadakip ay dulot lamang ng hindi pagkakaunawaan.

Hiniling din niya sa tagausig na ibasura na ang mga kasong kanyang isinampa at ito’y sa­srili niyang desisyon at walang sinumang pumu­wersa o nanakot sa kanya para iurong ang demanda.

Dahil sa inihaing affidavit of desistance ni Aling Cristina, ibinasura ng mababang hukuman ang mga kasong kidnapping at murder laban sa tatlong akusado bagama’t tuloy naman ang kasong paglabag sa illegal possession of firearms na may kaukulang piyansang P180,000 para sa kanilang pansamantalang paglaya.