Abante Tonite Interactive

Ang grupong umano’y nasa likod ng ‘EJK’ sa Tondo

By
0 122

Sa panayam ng TUGIS sa isang staff ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Lucia Purugganan ng Branch 30, sinabi niya na tuloy ang kasong illegal possession of firearms laban kina Murillo at nakatakda ang susunod na pagdinig sa kaso sa Disyembre 5 ng taong kasalukuyan.

Bunga na rin ng pag-atras ni Aling Cristina sa usapin, hindi na kinailangan pang magsagawa ng pagtugis ang kapulisan laban kina Villamonte, Kagawad Michael Simbucao alyas ‘Boss Michael’ at isang alyas ‘Onic’ na unang isinangkot sa pagpatay sa binatilyo.

Nang idaos noong Mayo 15, 2018 ang Barangay at Sangguniang Kabataan election, kumandidato pa bilang barangay chairman ng Barangay 105 sa Tondo si Simbucao habang kagawad naman ang tinakbo ni ‘Commander Maning’ o Ricardo Villamonte subalit kapuwa sila nabigo sa hangaring mamuno sa kanilang barangay.

Nabuwag din ang grupo ng CSG Tondo Chapter na dating kinatatakutan sa mala­king bahagi ng District 1 ng Tondo habang ang kanilang itinayong outpost sa ilalim ng footbridge sa kanto ng Capulong at Road 10 ay nagsilbi na lamang bodega ng mga ibinebentang videoke karaoke machines.

Sa panayam naman ng TUGIS kay Leo Cong­zon, barangay tanod ng Barangay 105, inamin niya na malaking tulong din sa kanilang barangay ang CSG Tondo Chapter 2 dahil tumiklop ang maraming kawatan at drug addict nang maging aktibo ang grupo laban sa kriminalidad.

Pinabulaanan din niya ang napaulat na may basbas ng kapulisan ang ipinaiiral na kamay na bakal ng grupo ng CSG Tondo Chapter 2 laban sa mga kriminal kaya’t malakas ang loob nilang magdala ng mga armas.

Binanggit din ni Congzon na ang binatil­yong napatay at lumutang sa dagat ng Isla Puting Bato ay dating sakit ng ulo ng kanilang barangay dahil bukod sa pasaway ay sangkot pa sa maraming insidente ng pagnanakaw at panghahablot, hindi lang sa kanilang barangay kundi sa kalapit nilang mga lugar.

Sa ngayon aniya ay aktibo naman at mada­ling tawagan ang mga tauhan ng Smokey Mountain PCP sa oras na magkaroon ng nakawan o anumang uri ng krimen sa kanilang barangay.

Bagama’t inamin niya na hindi pa rin nawawala ng tuluyan ang bentahan at gamitan ng iligal na droga sa kanilang lugar, gumagawa naman ng hakbang ang mga tauhan ng Smokey Mountain PCP upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa mga barangay na kanilang nasasakupan.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pagtugis ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.