Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang halaga ng ayuda at relief

0 2,148

Sa panahon ngayon ng krisis, ang pagtutulungan at bayanihan ang mga katangiang Pilipino na nangingibabaw sa maraming pagkakataon. Marami sa atin na may kakayahang tumulong ang tumugon sa mga kapwa natin na humingi ng saklolo sa panahon ng kagipitan nila. Hindi lamang ito isang obligasyon kundi pagmamalasakit at pagmamahal sa mga kababayan nating Pilipino.

Ganito rin dapat ang maging pananaw ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang buhayin ang bayanihan sa ating piling. Ang ipinapamahaging ayuda at relief goods sa ating mga kababayan ay hindi dapat ituring lamang na isang serbisyong dapat gampanan ng gobyerno ngunit agresibong tugon sa pandemya na may malasakit at pagmamahal sa ating kapwa.

Madaling sabihin na sasailalim tayo sa lockdown. Kaya nagpapatupad ng lockdown ang gobyerno ay upang mapababa ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, hindi malunod sa dami ng kaso ang mga ospital at hindi mahirapan ang mga medical frontliners.

Subalit sa lockdown din ay higit na apektado ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Maraming mga mamamayan ang hindi makapagtrabaho at naghahanap ng ibang paraan ng pagkakakitaan. Hindi nila maiiwasang lumabas ng bahay lalo na kung wala silang makain.

Nauunawaan ng lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga kababayan natin sa mga ganitong sitwasyon. Itong March 2021, ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig ay agarang namigay ng mga relief goods para sa bawat pamilyang Taguigeño.

Bawat bag ng relief goods ay may laman na limang kilong bigas, canned goods, packs ng instant coffee at packs ng energy drink.

Namahagi rin tayo ng mga hygiene kits at anti-COVID kits na may lamang face mask, face shield, alcohol, sabon, toothbrush, toothpaste, shampoo at vitamins.

Mahirap ang door-to-door na distribusyon ng ayuda at relief goods dahil ayaw natin ng malalaking pagtitipon at kumalat pa ang virus. Malaki ang naging tulong ng kooperasyon at pakikipagtulungan ng bawat Taguigeño sa tagumpay ng distribusyong ito.

Madaling maipaunawa sa mga Taguigeño ang kahalagahan ng pagsunod sa ECQ, pagsunod sa health at safety protocols at kanilang kooperasyon sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ito dahil sa pagtitiwala nila sa lokal na pamahalaan. Alam nila na kailangang sumunod sa ECQ dahil kumakalat ang virus ngunit tiwala ang mga kababayan natin na darating agad ang tulong.

Sa susunod na linggo, sisimulan naman natin ang pamamahagi ng cash grants mula sa ibinabang budget ng Pangulo.

Katulad rin ito ng naunang cash grants sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP noong una nating naranasan ang ECQ ng nakaraang taon. Mas maliit na halaga nga lamang ang matatanggap ng mga qualified beneficiaries dahil mas maikling panahon lang ang ECQ ngayon.

Noong mahabang lockdown noong 2020, nagbigay tayo ng sarili nating SAP sa Taguig—ang TAP o Taguig Amelioration Program para sa mga hindi nakakuha ng SAP grants at ayuda. Bukod pa ang TAP sa P4,000 na ayudang ibinahagi natin sa mga miyembro ng mga transport sectors, vendors, seniors, scholars, farmers at fisherfolks.

Kaagad natin itong ipinatupad dahil alam nating sa panahon ng krisis, dapat mabilis ang akyson. Ang kalaban natin ay hindi lamang virus. Virus at gutom ang sabay na iniinda ngayon ng ating mga kababayan.

Ganito rin kabilis ang aksyon noon ng Kongreso sa ilalim ni dating Speaker Alan Peter Cayetano nang maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan I) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan II). Alam ni Kuya Alan na kailangang mabilis ang aksyon kaya naman ipinasa agad ang Bayanihan I ng mga mambabatas sa Kamara de Representante. Mabilis ding inaprubahan ng Kongreso ang Bayanihan II.

Mayroon ding bagong panukalang batas si Kuya Alan sa Kongreso—ang Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program na kanyang inihain kasama si Congresswoman Lani Cayetano at ilan pang mambabatas sa Kamara para maipatupad ang pagbibibigay ng P10,000 para sa bawat pamilyang naapektuhan ng COVID-19 crisis.

Ang kailangan ng mga apektadong pamilya ay hindi lamang maliit na ayuda kundi assistance o puhunan para makapagsimula muli. Ito ang punto ng P10,000 na ayuda kada pamilya na nakasaad sa Bangon Pilipino bill ni Kuya Alan.

Hindi lamang ngayong ECQ na dumaan sa pagsubok ang ating kababayan. Kahit natapos ang lockdown, isang taon ang epekto at dusa ng mga health restrictions sa ating mga kabuhayan.

Ngayon pa lamang na hindi pa tayo nakakatawid sa krisis ay marami na ang nawalan ng trabaho, hindi makapagtrabaho at natigil sandali sa pagtatrabaho.

Sa paggunita ng Pista ng Pagkabuhay, importanteng sariwain ang mensahe ng ating Panginoon tungkol sa bagong pag-asa.

Oo mabigat ang hamon, ngunit sama-sama ay babangon tayo. Sabi sa Corinthians 13:13 ay faith hope, and love. Pag-asa, pananampalataya at pagmamahal.

Babangon ang Pilipino!

Leave A Reply

Your email address will not be published.