Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang hirap mag-commute

0 122

Iyan po ang pangkaraniwang daing natin dahil sa totoo lang hanggang sa ngayon hindi pa na-improve ang pampublikong transportasyon lalong-lalo na dito sa Metro Manila.

Sa totoo lang, mula ng tumama ang pandemya noong 2020 hanggang ngayon hirap na hirap ang tao na sumakay sa public utility vehicles (PUVs) tulad ng dyip, bus, UV Express at iba pa.

Kahit nga ang iba ay maagang nang pumapasok para lang hindi mahirapan sa pagsakay patungo sa opisina kaso ang problema kulang na kulang pa rin ang mga pampublikong sasakyan.

Kaya nga kahit pinaiiral ang health protocol, minsan hindi na ito nasusunod dahil makikipagsiksikan talaga ang tao para lang makarating sa trabaho. Kung hindi mo gagawin baka ma-late ka pa sa inyong trabaho, klase o appointment.

Lagi namang binibida ng DOTr ang nag-improve na ang public transportation system sa bansa. Siguro nga meron ding pagbabago pero parang kulang na kulang pa dahil nakikita at nararanasan nating na mahirap talagang mag-commute.

Ang iba nga ay nagba-bike na dahil hirap mag-commute kaya lang, kulang na kulang pa rin ang bike lanes. Hindi rin ma-maintain kaya ang iba, minsan naaksidente.

Pangunahing daing ng mga komyuter ang access sa mga public utlity bus. Tulad na lamang ng EDSA Bus Carousel na pinapatakbo sa gitna ng kalsada. Hirap din ang tao dahil kailangan umakyat sa hagdan ng Metro Rail Transit (MRT) para lang makaabot sa istasyon.

Meron ngang escalator at elevator ang lang MRT-3 station pero may ilang hindi naman gumagana kaya kailangan nilang umakyat sa napakataas na hagdan kagaya ng Ortigas station. Napakatarik. Paano naman ang mga senior citizen? Eh ‘di pahihirapan pa.

Isa pang problema ang mga bangketa, napakakipot. Sample nga diyan iyong sa Asian Development Bank sa Edsa malapit sa SM Megamall. Sobrang sikip dun kaya nahihirapan ang tao na makaakyat sa MRT.

Sana itong mga public official, sumakay din ng pampublikong transportation para maranasan nila kung ano ang hirap nang nagco-commute. Kung magagawa nila iyan, makikita nila ang problema at agad nilang masolusyunan.

Ngayong nagsisimula na ang rainy season, pihadong mas mahihirapan ang tao na mag-commute. Sana dagdagan pa ang mga PUV na bumiyahe dahil sa ngayon kulang na kulang talaga. Malaking kalbaryo sa ating mananakay ang kakulangan ng pampublikong masasakyan, kaya dapat solusyunan nila ito sa lalong madaling panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.