Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang Kabataan ng Taguig

0 214

Ipinagdiwang ng bansa ang Filipino Youth Day nitong June 19, ang araw ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal. Noong 1948 pa naiproklama ng dating Pangulong Elpidio Quirino ang paggunita ng Filipino Youth Day tuwing sasapit ang birthday ng ating pambansang bayani, na nagsabing ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.

Sa Taguig ay hind lamang tuwing Youth Day kinikilala ang mga kabataan. Sa kanilang murang edad, ang mga Taguig youth ay sinasanay na para maging responsable at produktibong mamamayan para maging sapat ang pagiging handa nila bilang mga future leaders.

Ang Taguig youth ay ka-partner ng pamahalaang panglungsod sa RoadToZero program na naglalayong maging Covid-19 free ang Taguig. Ang mga kabataang Taguigeño, sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan (SK), ang humihikayat sa kanilang mga lolo, lola, kapamilya, kaibigan at mga miyembro ng kani-kanilang komunidad na magparehistro sa TRACE app para mabakunahan laban sa Covid-19.

Sila ang tumutulong sa pamahalaang panglungsod sa free printing at lamination ng mga TRACE QR codes para sa mamamayan na hindi pamilyar sa paggamit ng app o internet.

Ang Taguig youth din ang kaakibat natin sa pamamahagi ng mga bisikleta para sa mga health workers at sa programa na gawing bike-friendly city ang Taguig.

Isa pang magandang programa ng Taguig youth ay ang SK pantry. Sa mga small businesses sila kumukuha ng ilalaman at ipapamahagi sa SK pantry para nga naman pati mga maliliit na negosyo ay matulungan din nilang makaahon.

Bukod pa riyan ay sila rin ang tumutulong sa atin para matiyak na ligtas na makapagbukas muli ang mga local businesses sa Taguig. Sila ang tumutulong maglagay ng alcohol stands, thermometers at mga social distancing stickers and posters sa mga tindahan at iba pang estabilsyemento.

Para naman matulungan ang mga estudyante, ang Taguig youth ang tumatayong mga champions natin para matupad ang layuning manatiling Education City ang lungsod. Sila ang tumutulong para maipamigay ang mga tablets, school kits at modules sa mga mag-aaral sa public schools.

SM food to go Banner Ad

Karamihan sa mga kabataan ng Taguig ay nakapagtapos ng pag-aaral bilang mga beneficiaries ng scholarship program ng pamahalaang panglungsod. Marami sa kanila ay mga propesyonal na sa kani-kanilang larangan.

May programa rin para sa kalikasan ang mga kabataan ng Taguig. Ang Shoot That Kalat program na kanilang pinapangunahan ay nagtuturo ng tamang pagbubukod ng basura (waste segregation) at nakakatulong para sa mga Taguigeñong nangangalakal para hindi na sila mahirapan sa pagkuha ng mga itinapong gamit na pwede pang irecycle at ibenta.

Napakasigla at active ng Taguig youth, pero hindi naman sa lahat ng oras ay all work, and no play. Meron din silang time para sa social at recreational activities sa mga youth centers natin sa lungsod.

Ang Taguig SK ay may weekly vlog—ang Salitaang Kabataan–kung saan pinag-uusapan ang mga mahalaga at napapanahong mga isyu, tulad ng mga work-from-home tips sa gitna ng pandemic.

Namamahagi din tayo ng mga board games sa mga kabataan, para hindi sila mainip at nanatiling mentally active sa panahon ng lockdown.

Sinimulan din natin ang Taguig YouthCon noong 2019, na naging online na nitong nakaraang taon dahil sa pandemya. May mga e-sports tournaments, webinars at online workshops sa YouthCon. May mga speakers para talakayin ang iba’t ibang isyu mahalaga at mapapakinabangan ng mga kabataan, tulad ng media literacy, fitness, climate change, e-commerce at mental health.

Sa Taguig, laging binibigyan ng boses ang mga kabataan at nagtitiwala sa kanilang kakayahan.

May pandemiya man o wala, ang pamahalaang panglungsod ng Taguig ay magpapatuloy para sanayin at bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan sa paghahanda sa kanilang mahalagang papel bilang mga future leaders ng ating bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.