Abante Tonite Interactive

Ang kabataang NPA

276

Sa mahabang panahon ay ngayon lamang seryosong napagtuunan ng pansin ang nagaganap na recruitment ng mga galamay na organisasyon ng kilusang komunista sa mga pa­ngunahing unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Kung may mga pagsisikap man ang militar at iba pang awtoridad na ilabas ang ginagawa ng mga komunis­ta, sila ay binabalikan at ginagawan ng black propaganda para mailihis ang kanilang ginagawa.

Masyadong maluwag ang ilang uni­bersidad at kolehiyo sa recruitment ng mga makakaliwang organisasyon kaya mada­ling ma-brainwash ang mga estudyante para sumapi sa kanila.

Aminin man o hindi ng mga administrador ng mga kolehiyo at unibersidad, hindi nila nagagawang mabantayan at mabig­yan ng proteksiyon ang mga estudyante mula sa galamay ng mga komunista, at sa halip na makatapos sa pag-aaral ay dadalhin pa ang mga ito sa maling landas.

Nakakadurog ng puso ang palahaw ng mga magulang na nag­hahanap ng kanilang anak sa ginanap na imbestigasyon ng Senado.

Pawang teenager ang naindoktrinahan ng mga komunista at tuluyang iniwan ang mga pamilya para mamundok.

Hindi maipaliwanag ang pag-aalala ng mga magulang sa kanilang mga anak na sumapi na sa NPA dahil walang kasiguruhan kung makakabalik pa ba ang mga ito nang buhay o hindi na makikita ng tuluyan lalo na kapag napalaban sa mga awtoridad at mamatay sa kabundukan.

Bagama’t may gaga­wing dayalogo ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga opis­yal ng unibersidad at kolehiyo, pati na sa militar at mga student leader, aasahang mayroong aalma at kokontra sa plano na ipawalang-bisa ang umiiral na kasunduan sa ilang unibersidad na payagan ang presensiya ng ilang grupo sa loob ng campuses.

Sinabi ni Secretary Eduardo Año na sa kalukuyang administras­yon, igigiit nila na magkaroon ng adjustment at presensiya ng mga pulis sa ilang unibersidad para matigil na ang pag-recruit ng mga komunista sa mga estudyante.