Abante Tonite Interactive

Ang kabuluhan ng babae!

192

Ipinagdiwang kahapon ang International Women’s Day (IWD). Global ang selebrasyon. Buong mundo ang nagdiwang ito at hindi lang Pilipinas.

May isang artikulo na nagsabing 28 bansa raw ang kumikilala sa Araw ng Kababaihan bilang national holiday. Para sa mga bansang ito, sadyang mahalaga ang IWD para hayaan itong dumaan at matapos na parang ordinaryong araw lamang.

Bakit nga ba hindi ito ginawang holiday — kahit special non-working holiday man lang — sa Pilipinas?

Dalawa na ang naging presidenteng babae ng bansa. Napakarami na ring mambabatas na babae ang naupo at sapat ang kanilang kapangyarihan para isulong na gawing holiday ang IWD.

Bakit nga ba merong women’s day at walang men’s day?

Simple lang ang paliwanag. Noong unang panahon, alipin at commodity ang turing sa mga babae. Binibenta at binibili ito bilang utusan at kung minsan ay asawa.

Wala itong anumang karapatan at ang amo o pa­nginoon niya ay lalaki.

Sana ay dumating ang panahon na lubos na lumaya sa sariling pagpapaalipin ang bawat Pilipina. Dahil inilaban, pinagbuwisan ng buhay at napagtagumpayan na ng mga naunang women leader ang laban na ito.

Salamat sa mga libreng sakay at mga libreng pass para mga kababaihan kahapon.

Salamat sa mga ordinansang lokal kontra pambabastos at pagmamaliit sa kababaihan.

Salamat sa panukalang batas na suwelduhan din ang mga maybahay at ina dahil sa pinakamarangal nilang trabaho at kontribusyon sa ekonomiya at moralidad ng bansa.

Pero higit pa sa mga hakbang na ito, mas malaking pasasalamat kung araw-araw na ipadarama ang respeto, patas na trato at pagpapahalaga sa kababaihan saanmang sulok ng bansa, sa alinmang pagkakataon at sa lahat ng larangan, lalo na ng mga opisyal ng gobyerno.