Abante Tonite Interactive

Ang kahalagahan ng curfew

2,670

Nakakagimbal ang isang pangyayari sa lungsod ng Maynila kung saan ay tatlong kabataan ang namatay matapos araruhin ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR) madaling-araw nitong Sabado.

Alam nating hindi maiiwasan ang aksidente pero  ang trahedya ay nangyari nang magkayayaan ang mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 13 na mag-inuman sa mismong riles ng tren sa Sta. Cruz, Maynila.

Anim lahat ang kabataang nagkayayaang tumambay at mag-inuman sa isang bahagi ng riles ng tren sa Maynila. Dahil mga bata ay umiral ang kakulitan ng mga ito kaya hayun may ilang nag-trip na humiga sa riles ng tren na posibleng inabot ng dis-oras sa kalsada dahil alas-5:15 ng mada­ling-araw nangyari ang pag-araro sa mga kabataan.

Sa anim na bata, tatlong menor-de-edad ang nasawi, isa ang naputulan ng dalawang hita at  kaliwang kamay habang dalawa naman ang nasugatan sa ulo.

Bagama’t nabuhay pa ang tatlo ay matinding trauma ang tiyak na pagdadaanan ng mga batang ito.

Alam nating walang may gusto sa pangyayari pero maiiwasan natin ang ganitong  pangyayari kung patuloy na ipinatutupad ang curfew sa mga menor-de-edad.

Kanya nga lamang may ilang tumutol sa pagpapatupad ng curfew kaya ang dating mga pakalat-kalat na mga bata ay nagbalik na naman sa kalsada at ang malupit pa ay dumanaras ng ganito kasaklap na ­aksidente.

Kaya nga sa akin, makita naman sana ng mga da­ting tumututol sa implementasyon ng curfew ang mga pangyayaring katulad ng aksidenteng ito. Dahil kung patuloy na umiiral ang curfew tiyak na hindi mangingiming magbabad sa kalsada ang mga batang ito sa takot na mahuli at hindi rin mangingiming manghuli ang mga tauhan ng barangay sa mga menor-de-edad na makikita nilang pakalat-kalat sa mga kalsada tuwing dis-oras ng gabi.

Kaawa-awa ang mga batang maaaring maging biktima ng pabayang mga magulang at ang tanging curfew na lamang ang sa tingin ko ay makakapag­ligtas sa kanila sa kapahamakan dahil mananatili na lamang sila sa loob ng kanilang mga kabahayan, imbes na magpakalat-kalat sa kalsada.