Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang kahalagahan ng sining sa panahon ng krisis

0 110

Ngayong buwan ng Pebrero ay ginugunita natin ang National Arts Month o Pambansang Buwan ng Sining.

Mataas ang pagpapahalaga ng pamahalaan sa sining bilang kasangkapan sa pagpapayaman ng kasaysayan at kultura ng isang lungsod. Kaya naman, ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig ay nakikiisa sa pagdiriwang nito.

Marahil ay may mga katanungan tayo kung bakit pa natin binibigyan ng labis na atensyon ang larangan ng sining at kultura sa panahon ng pandemya sa kabila ng marami nating kinahaharap na problema sa kalusugan at ekonomiya. Bilang direktor noon sa entertainment industry at ngayo’y isang opisyal ng pamahalaan, buo ang aking suporta sa ating paggunita ng National Arts Month. Ito ay dahil sining ang nagbibigay kulay sa ating buhay at nagsisilbing inspirasyon para manatili tayong matatag sa harap ng krisis bunga ng pandemya.

Sa panahong ito kung saan marami sa atin ay nasa loob ng ating tahanan at nag-aalala kung paano tayo muling babangon mula sa krisis na ito, ang sining ang isang paraan kung paano mapapanatili ang kalusugan ng ating kaisipan sa harap ng marami nating problema.

Maaaring magpinta, gumuhit, magsulat, kumanta, sumayaw, gawing hobby ang photography, manood ng magagandang pelikula at tumingin sa magagandang likha ng sining. Bukod dito, ang art appreciation ay isa ring paraan para ang sining ay makatulong bilang isang coping mechanism sa panahon ng krisis.

Sa buwan ding ito, maraming inihanda ang lokal na pamahalaan ng Taguig upang makiisa sa pagdiriwang ng National Arts Month at maglunsad ng mga aktibidad ngayong Buwan ng Sining.

Ilan sa mga aktibidad na ito ay ang Taguig Art Can Do IT! Art Show kung saan tuturuan ang mga manonood, lalo na ang mga bata, ng iba’t ibang D.I.Y. artworks. Kasama rito ay ang pagbibigay ng libreng art materials sa mahigit 100 mga bata na maaari nilang gamitin sa pagbuo ng kani-kanilang artworks. Mayroon ding Namnamin Ang Sining Cooking Show na layuning magbigay ng tipid na paraan sa pagluluto.

SM food to go Banner Ad

Bilang dagdag, may mga local performers naman na maghahandog ng kanilang orihinal na komposisyon sa Taguig Acoustic Festival. Ang lahat ng kalahok ay makakatanggap ng P5,000 cash prize. Mayroon ding Art in the Park sa Mercado del Lago kung saan halos 40 local artists ang guguhit at magpipinta para sa lokal na pamahalaan. Sila ay makakatanggap naman ng P2,000 cash at art materials.

Ang lahat ng mga aktibidad na ito ay ipapalabas at maaaring mapanood sa official communication channels ng lungsod sa I Love Taguig Facebook page at I Love Taguig TV sa Youtube.

Ang BGC Arts Center sa Taguig ay magkakaroon din ng BGC Art Mart Online sa February 26 sa kanilang official Facebook page. Dito ay may mga featured artists at performances na maaaring mapanood online.

Hindi natatapos sa paggunita ng National Arts Month ang pagpapahalaga natin sa sining at kultura. Ang Taguig ay nagbabalak na magtayo ng isang Arts High School kung saan mahuhubog ang talento ng mga Taguig artists sa larangan ng pagkanta, sayaw, teatro, pelikula, visual arts, multimedia, panitikan at iba pang uri ng sining.

Kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya, plano ng lungsod na magtatag taun-taon ng Taguig Film Festival gaya ng mga film festivals sa ibang bansa para maipakita ang magaganda at dekalidad na pelikula na likha ng mga batikang Pilipinong direktor at maging ng mga manlilikha ng pelikula mula sa ASEAN at ibang bansa.

Ang mga kabataan ang pangunahing makikinabang sa mga aktibidad ng sining. Layunin nitong ituro ang pagiging mapagmasid at magpahalaga sa damdamin at aksyon ng ating kapwa. Sa pamamagitan ng sining, maipapahayag ang ating damdamin, at sa kabilang dako, ay makakatulong sa pag-unawa ng emosyon at perspektibo ng mga taong nakapaligid sa atin.

Napakahalaga ng isang holistic o pangmalawakang approach sa edukasyon na nakatuon sa physical, psychological, social, emotional at spiritual na aspeto ng pagkatao ng ating mga kabataan. Sining at kultura ang humuhulma sa mas malalim na pagkilala sa sarili at nakapagtuturo rin ng mas malawak na pag-unawa at pagpapahalaga sa ibang tao. Kung kaya’t sining at kultura rin ang ating kailangan sa pagbubuo ng isang ligtas, nagkakaisa, mapagmahal at masayang komunidad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.