Abante Tonite Interactive

Ang kawawang Belong

505

Kawawa talaga itong si Isabelo de los Reyes. Ang laki ng ambag niya sa kasaysayan pero hindi man lang kilala ng marami sa atin.

Inaakala ng ilan na noong dekada 1930, wala pang kilusang manggagawa sa Pilipinas, gayong si Don ­Belong ang nagtatag ng Union Obrera Democratica Filipina noong 2 February 1902 na noong 1903 ay mayroon nang 150,000 na mga kasapi.

Lagi ring inaakalang si Bishop Gregorio Aglipay ang nagtatag ng Iglesia Fi­lipina ­Independiente dahil siya ang unang Obispo maximo nito at tinatawag ito na ‘Aglipayan Church’ gayong sa pagtatag nito ni anino ni Aglipay ay wala doon. Ang nagtatag nito ay si Don Belong sa ­tulong ni Pascual Poblete noong 3 Oktubre 1902. Si Aglipay ay sumama lamang pagkatapos nito.

Lingid din sa marami, isa siya sa ­payunir na eksperto ng mga kultura sa Pilipinas dahil sa pagsusulat niya ng Historia de Ilocos at ng El Folk-lore Filipino, ngunit kahit gayon inaaway siya ng mga ­Espanyol at kapwa Propagandista. Ito ang nakita namin ni Leslie Anne Liwanag sa aming pag-aaral ukol kay Belong: Dahil bawal banatan ang pamahalaang kolonyal noon dito sa Pilipinas, ang mga politikal niyang mga sulatin ay ipinadadala niya sa La Solidaridad sa Espanya at doon inilalathala ­sapagkat doon ay may kalayaan sa pamamahayag. Galit din ang mga Espanyol dito sa mga sarkastiko ­niyang mga sulatin tulad nang ‘Ang Diablo Sa Filipinas’.

Subalit ang mga kasamahan naman niya sa Propaganda na nasa Europa ay bumabatikos din sa kanya.

Bagama’t ­ipinakita ni Rizal na mayroon na tayong kultura at sariling identidad bago dumating ang mga Espanyol, nais niya ring ipakita sa mga Espanyol na handa na tayong tumanggap ng pagbabago dahil nagkakaisa na tayo para sa patria, nagiging moderno at katulad na natin ang mga Espanyol.

Suba­lit si Belong, nang pag-aralan ang kultura ng mga Igorot, ­Itneg at Aeta sa Ilocos, ipinakilala niya ang sarili bilang ‘Kapatid ng mga nasa Kagubatan’. Para kina Rizal at mga kakampi, ‘costumbrismo’ o masya­dong magandang pagtingin sa anumang lokal, rehiyonalismo at pagwasak sa ipinapakitang pagkakaisa ng mga ­Filipino ang mga sulatin ni ­Belong. Ang pagkakaroon din ng mga ka­tutubo ay makasisira sa imahe na pagiging moderno natin. Pero may mas malawak na punto si Belong, ­hindi hiwalay ang pagiging Ilokano niya sa kanyang ‘patriotismo’ at ang ­pagkukumpara sa kulturang Tagalog at Ilokano, maging sa mga katutubo, makikita na sa maraming mga pagkakahawig sa kabila ng pagkakaiba-iba (razas distintas), mas nakikita ang pagkakaisa natin tungo sa pagiging nasyon.