Abante Tonite Interactive

Ang konsyumer ang dapat protektahan

By
9

Mayroong isinilang na isang grupo na masasabi natin na itinagu­yod upang ipaglaban ang kapakanan nating mga konsyumers na bukod pa sa mga maiingay na militanteng grupo.

May mahigit na isang taon pa lamang ang ­Laban Konsyumer na pinamumunuan ni dating undersecretary ng Department of Trade and Industry (DTI) na si Victorio Dimagiba. Hindi na sa atin bago si Dimagiba. Malimit na napapanood at naririnig natin siya sa radyo at telebisyon tuwing may mga isyu na kailangang ipaliwanag ng DTI sa publiko.

Maganda ang layunin ng Laban Konsyumer. Nais nilang tulungan tayong mga konsyumer sa ating mga karapatan sa paggamit ng mga produkto na ating binabayaran at binibili.

Tulad na lamang sa ginawa nilang petisyon kamakailan sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang ibalik ang sinasabing feed-in-tariff allowance (FIT-All) ng National Transmission Corporation (TRANSCO) sa kanilang orihinal na isinumite sa ERC noong 2016 imbes sa isinagawang implementasyon sa desisyon ng ERC noong May 2017. Ang nasabing petisyon ng Laban Konsyumer ay upang bumaba ang singil sa kuryente sa ating mga konsyumers.

Hiniling ni Dimagiba sa kanilang petisyon na ipawalang-bisa ang desisyon ng ERC upang itaas ang nasabing FIT-All mula Php 0.1025 na itinaas nila ng Php 0.1830 kada kilowatt hour (kWh). Sabi ni Dimagiba na dapat ha­yaan na ibalik ito sa da­ting presyo ng FIT-All upang maproteksyonan ang kapakanan ng mga konsyumer ng kuryente.

Ipinaliwanag sa petisyon na wala daw pormal na ginawang am­yenda ang aplikasyon ng FIT-All ng TRANSCO ayon sa 2006 ERC Rules of Practice and Procedure para sa due process. Nangangailangan daw ito ng compliance na may notice at publication na hindi sinunod umano ng TRANSCO ngunit inaprubahan ng ERC.

Ayon kay Dimagiba, kapag ang kanilang petisyon ay sinang-ayunan ng ERC, magkakaroon ng refund ang mga konsyumer ng kuryente na aabot sa P14.5 bil­yon nitong 2017 at maa­aring tataas pa hangga’t ang petisyon nila ay hindi pinapaboran ng ERC hanggang umabot ito sa korte upang bigyan nila ng Temporary Res­training Order (TRO) sa nasabing desisyon ng ERC sa hiling na pagtaas ng singil ng FIT-All ng TRANSCO. Ang FIT-All ay isang polisiya ng gobyerno upang hikayatin umano ang mga mamumuhunan upang magtayo ng mga planta ng Renewable Energy (RE) tulad ng wind at solar.

Hindi tayo tutol sa RE. Subalit ayon sa FIT-All, tayong mga konsyumer ay may dagdag-singil sa ating electric bills upang tulungan ang mga dambuhalang mga negosyante na magtayo ng kanilang mga RE plants.

Malaki kasi ang kailangan na puhunan ng mga RE at kukuhanin sa ating mga ordinar­yong mamamayan ang kanilang subsidiya.

Matapos nating tulu­ngan ang mga gagawa ng RE plants, babayaran pa din natin sila kapag ope­rational na sila. Dahil mataas ang puhunan dito, babawi din sila sa pamamagitan ng pag­singil sa kuryente. Hindi kaya tayo lugi dito?

Parang dobol black eye yata ang mangyayari sa ating mga konsyumer sa FIT-All na programa. Tinulungan na nga natin ang mga RE plants sa pamamagitan ng subsidiya sa atin. ‘Pag guma­gana na ang kanilang mga planta, sisingilin pa ulit tayo na pupunta sa kanilang mga bulsa. Kung nais nilang sumali sa industriya ng enerhiya, dapat patas ang laban ng lahat ng mga mamumuhunan dito.

Huwag sanang ida­may tayong mga konsyu­mers. Ito ang kahalaga­han ng Laban Konsyumer, hindi tulad ng mga ilang mga militanteng grupo na ginugulo ang isyu na walang sapat na batayan. Ang petisyon ng grupo ni Dimagiba ay dapat pag-aralan nang mabuti ng ERC para sa proteksyon nating mga konsyumers.