Abante Tonite Interactive

Ang kotse at ang espesyal na kaibigan

283

Napanaginipan ko ang isang lalaking kaibigan ko. Babalik na siya sa abroad at ipinapahabilin daw nya sa akin ang kanyang kotse. Habang nag-uusap kami, nasa tabi kami ng kotse niya. Sabi niya gamitin ko raw muna habang wala siya. Pero hindi ko raw matanggap ang ina­alok niya dahil alam kong hindi ito magugustuhan ng kanyang girlfriend. Sa totoong buhay, medyo nagkakalabuan na kasi sila ng kanyang gf at madalas niyang ihi­nga sa akin ang mga problema sa kanilang relasyon. Sa panaginip ko, ayaw kong ma-disappoint ang kaibigan ko pero alam kong mali na tanggapin ang offer niya. Nagising akong nakakaramdam pa rin ng pagkalito.

Ang kotse sa pana­ginip ay sumisimbolo kung paano ka magdala ng personal mong buhay. Puwede itong simbolo ng pisikal mong pangangatawan, kaisipan at ego, persona­lidad at ang buhay na pangkalahatan. Maaari rin itong simbolo kung anong imahe ang ipinapakita mo sa publiko.

Ang isang nakaparadang sasakyan sa panaginip ay posibleng indikasyon na sa ngayon pakiramdam mo ay naka-stuck ka sa isang posisyon at maaa­ring hindi makapagdesisyon kung saan ka dapat pumunta.

Abante Hiring – IT dep

Ang kotse ay isa sa mga karaniwang pana­ginip dahil bahagi na ito ng araw-araw nating buhay. Maaring wala naman tayong pag-aaring kotse pero araw-araw nating nakikita sa daan ang kotse.

Sa iyong panaginip, inihahabilin o ipinagkakatiwala sa iyo ng isang kaibigan mong lalaki ang kanyang sasakyan pero dahil alam mong meron siyang karelasyon, nagdadalawang-isip ka kung tatanggapin mo ang kanyang alok. Sa aktuwal na buhay, maaaring may ganito ka ring sitwasyong pinagdaraanan at maaaring may kinalaman talaga ito sa lalaking nag-aalok ng kanyang sasakyan.

Related Posts

Sinabi mo na sa aktuwal na sitwasyon ay nagkakalabuan ang kaibigan mong lalaki at ang kanyang girlfriend. Na­sabi mo rin na ikaw ang nagiging sounding board ng lalaki. Itanong mo sa iyong sarili kung may iba ka nang nararamdaman para sa lala­king ito o maaaring nara­ramdaman mong may mas malalim siyang nara­ramdaman para sa iyo.

Base sa iyong pana­ginip, naroon ang pagkalito kung tatanggapin mo ang iniaalok na kotse. Kung sa aktuwal na buhay, puwede itong maging simbolo kung nararamdaman mong may espesyal na damdamin na namumuo sa pagitan mo at ng iyong kaibigan. Ang kalituhan ay maaaring nag-uugat sa guilt feelings dahil alam mong hindi ka nakakatulong sa kanyang relasyon sa halip ay nakakagulo pa. Maaaring nararamdaman mo na kulang lalayo ka sa eksena ay posibleng magkasundo pa ang kaibigan mo at ang girlfriend niya.

Ikaw lamang ang higit na nakakakilala sa sarili mo. Ikaw rin ang makakapagbigay ng eksaktong koneksyon ng iyong napanaginip sa kasalukuyan mong sitwasyon. Kung sinasabi ng iyong isip na may mali, alam mo na kung ano ang dapat gawin.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CAT­CHE­R ay nagbibi­gay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espirit­wal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.