Abante Tonite Interactive

Ang lahat ng pagtatapos ay simula ng bagong paglalakbay

By
472

Kahapon, Hunyo 13, isang araw matapos ang pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng ating Kalayaan, ako ay isa sa mahigit tatlong libong estudyante na nagtapos ng aming pag-aaral sa kolehiyo.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, bukod sa aking trabaho bilang bise gobernador at artista, ako ay estudyante ng Lyceum of the Phi­lippines University na may kursong Bachelor of Arts in Legal Studies sa ilalim ng programang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program o ETEEAP.

Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo dahil maaga akong pumasok sa showbiz at politika. Ngunit, habang tumatagal sa pagseserbisyo, mas lalo kong naunawaan ang kahalagahan ng pag-aaral. Marami na rin akong natapos na mga special course at program sa UP-NCPAG, Development Academy of the Philippines at Lee Kuan Yew School of Public Policy sa National University of Singapore.

Abante Hiring – IT dep

Subalit mas lalo kong naramdaman ang pa­ngangailangang makatapos ng pag-aaral. Hindi lang para magkaroon ng education degree kundi ang kagustuhang matuto at madagdagan ang aking­ kaalaman habang ako ay nagtatrabaho.

Tulad nga nang nabanggit ng aming guest speaker sa aming graduation na si LPU Pirates Coach Topex Ro­binson: “Mag-aral hindi lamang para magkaroon ng diploma, mag-aral para maibalik sa pagseserbisyo sa ibang tao.”

Naniniwala ako na ang edukasyon ay isang karapatan at hindi prebilehiyo. Naniniwala ako na ang lahat ng kabataang Filipino ay dapat mabigyan ng de-kalidad na edukasyon. Subalit tinatanaw kong malaking prebilehiyo para sa akin ang mu­ling makapag-aral at sa wakas ay makapagtapos ng pag-aaral.

At ngayong ako ay nakapagtapos na sa kolehiyo, hudyat lamang ito ng panibagong simula sa aking buhay. Simula ng hamon na iangat ang antas ng aking kamulatan sa paghahanap ng karunungan, itaas ang kalidad ng paglilingkod sa aking bayan at ibahagi ang lahat ng aking natutunan, panahon at talento sa aking kapwa.

Marahil maraming kabataan ang katulad ko. Hindi pa huli ang lahat para sa atin. Kung nakayanan ko, mas lalong kayang-kaya niyo! Kaya naman, sa bawat pagtatapos sa ating buhay, tiyak na may bagong bukas tayong kakaharapin.

At anuman ang sumalubong sa atin, tiyak akong ito ay malalagpasin natin dahil ang bawat Filipinong nagsisikap, siguradong maaabot nito ang kanyang pangarap.