Abante Tonite Interactive

Ang lalaki sa aking panaginip

226

Dear Dream catcher,
May lalaki pong laging laman ng aking panaginip ilang beses ko na syang napapanaginipan sa iba’t ibang senaryo.

May mga pagkakataong magkasama kami at nag-uusap sa aking pana-ginip.

Minsan po, namatay sya sa aking panaginip at nag-iiyak ako sa harap ng kanyang kabaong. Marami na pong beses na napapanaginipan ko sya sa dami ng mga pangyayari di ko na matandaan yung iba. Ano po kayang ibig ipahiwatig nito?

Jerri
Ang paulit-ulit o recurrent dream tungkol sa isang lover na hindi mo naman aktuwal na kilala o maaring hindi mo pa nakikita ay indikasyon ikaw ay naghahanap ng mamahalin, naghaha-nap ng romansa sa buhay.

Ang ganitong panaginip ay madalas mangyari sa mga taong wala pang karanasan sa pag-ibig at naghahanap pa lamang ng mamahalin. Pero puwede rin naman itong mangyari sa mga babaeng nasa isang relasyon nga pero hindi naman sila masaya.

Kung ikaw ay meron nang karelasyon o meron ng asawa at meron kang mga ganitong panaginip ay indikasyon ito na naghahanap ng tunay na love ang puso mo. Maaring hindi mo nakikita ang ideal love, ideal relationship mo sa taong karelasyon mo kaya sa likod ng iyong isip ay nangungulila ka sa isang taong tunay na magmamahal sa iyo.

Meron namang mga psycholo-gists na itinuturing ang ganitong panaginip at ang pagkakaroon ng dream lover bilang ekstensyon o kaya ay reflection ng ating sarili at tinatawag ding shadow personalities. Anumang ikinikilos ng dream person na ito ay reflection ng iyong subconscious.

Kaya kung nagpapaulit-ulit ito, makabubuting pag-aralan mo ang mga katangian o ugali ng dream guy mo. Ano ang kanyang mga sinasabi kung nag-uusap kayo, paano ka nya ituring dahil ito ang isang aspeto ng iyong karakter. Maaring sa pamamagitan ng iyong panaginip, makikilala mo kung ano ang mga tunay mong pagkatao na maaaring may bahaging hindi mo lubusang mailabas.
Dream Catcher

***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.