Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ang matagumpay na pagbabakuna sa San Juan City: Isang kislap ng pag-asa

0 75

Makasaysayan ang tinamong tagumpay laban sa COVID-19 ng San Juan City noong Hulyo 12, 2021 dahil 70 porsyento ng indibidwal sa kanilang lungsod ay nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.

Batay sa Philippines Statistics Authority census, ang populasyon ng San Juan City ay 123,031, kung saan 70 porsyento ay 86,122. Ang lungsod ng San Juan ay nakapagbakuna na ng 96,610 indibidwal, na nasa 112.18 porsyento na ng target na populasyon na babakunahan.

Sa isa pang census na ginawa ng Asian Development Bank, ang populasyon ng San Juan ay nasa 132,512, kung saan 70 porsyento ay 92,759. Ang 96,610 indibidwal na nabakunahan na ng unang dosage ay katumbas ng 104.15 porsyento ng target ng lungsod.

Matagal din akong nanirahan sa San Juan City kaya bilang San Juaneño, ikinararangal ko na maging bahagi ng nasabing milestone event. Natutuwa akong malaman na ang aking kapwa San Juaneños ay tumanggap na ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 para maprotektahan sila mula sa virus.

Ngunit hayaan niyong ipaalala ko na ang isang dose ng bakuna ay hindi sapat para magkaroon tayo ng buong proteksyon laban sa COVID-19. Hinihikayat ko ang mga indibidwal sa San Juan, na tumanggap na ng unang dosage, na bumalik sa vaccination center sa araw na itinakda para matanggap nila ang pangalawang dose. Tandaan natin na magkakaroon lamang tayo ng buong proteksyon ng bakuna laban sa COVID-19 makalipas ang dalawang linggo o higit pa, pagkatapos nating kumpletohin ang ating bakuna.

Sa okasyong iyon, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na maliban sa pagbabakuna ng 70 porsyento ng mga residente ng San Juan City, ang pangunahing layunin nila ay bakunahan ang lahat ng mga residente, pati na ang mga pumupunta doon para magtrabahaho

Naging mas makabuluhan ang pagdiriwang dahil ginanap ito sa Greenhills Shopping Center, kung maaalala ninyo, ang unang lokal na pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas ay natunton sa isang indibidwal na madalas pumunta sa isang prayer hall doon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Mula nang ma-trace sa San Juan ang unang lokal na kaso ng COVID-19, pinagbuti ni Mayor Zamora ang kanilang sistema ng pagtukoy, paghihiwalay, pag-test, paggamot, at pagbabakuna. Sa katunayan, kamakailan ay nagbukas pa sila ng pangatlong vaccination site sa Virra Mall, Greenhills. Dahil dito nakakapagbakuna sila ng hanggang 5,000 mga indibidwal sa isang araw. Ayon kay Mayor Zamora, sa pagdaragdag ng pangatlong vaccination site, inaasahan nila na magagawa nilang proteksyonan ang mas maraming tao sa San Juan bago matapos ang Agosto ng taong ito.

Nagtagumpay ang San Juan sa kanilang layunin sa pamamagitan ng paggamit ng online registration at pagbabawal ng walk-ins sa panahon ng pagbabakuna. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang ibang LGU na hindi sumusunod sa katulad na sistema ay hindi makakamit ang parehong resulta.

Ang bawat LGU ay may sariling sistema ng pagsasakatuparan ng mga target sa pagbabakuna, at hangga’t ang mga target ay natutugunan sa lalong madaling panahon habang sinusunod ang minimum public health standards, kung gayon ang ating hangarin na makamit ang proteksyon ng populasyon ay magkakatotoo.

Bukod sa pagtulong sa pagkamit ng proteksyon ng populasyon para sa buong bansa, ang pagbabakuna ng 100 porsyento ng target na populasyon ng isang lungsod kahit na ito ay ang unang dosage pa lamang ay makakatulong din sa pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa. Matapos makamit ng San Juan City ang 100 porsyento na pagbibigay ng unang dose ng bakuna, naglagay sila ng 100% vaccination seal sa mga gusali sa lungsod para tumaas pa ang kumpiyansa ng mga residente sa bakuna.

Nagtagumpay ang isang lungsod. Umaasa ako na makakamit din ng ibang LGU ang 100 porsyento na pagbabakuna ng unang dosage sa lalong madaling panahon. Sa pagdating ng mas maraming bakuna sa mga darating na araw at buwan, mangyayari ito.

Isang maliit na pagwawagi para sa bansa ang pagbibigay ng San Juan ng 100 porsyento ng unang dosage ng bakuna sa 70 porsyento ng populasyon nito. Ang tagumpay na ito ay nagpapatibay na malapit na nating masugpo ang pandemyang COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.