Abante Tonite Interactive

Ang mga PWD sa panahon ng kalamidad

By
162

May tatlong kalbaryo ang mga taong tinatawag na mga ‘person with disability’ (PWD).

Ayon sa isang pag-aaral, nahaharap ang mga PWD sa mga ba­lakid na pisikal, polisiya, at persepsiyon o 3Ps. 

Napakahirap para sa isang PWD ang suma­kay ng LRT, umakyat sa isang mataas na gusali o tumawid ng kalsada kung wala siyang kasama. 
Bagama’t may mga batas na yumayakap sa mga PWD tulad ng mga istruktura at espasyo na ginawa para sa kanila, maraming polisiya at regulasyon naman na hindi sila kasali.

Sa panahong ito na hindi masamang ma­ging politically correct o magmahal ng tao, may kababayan pa rin tayong may maling pagtingin sa mga PWD. Kaya ganoon na lang kung barahan nila ng kanilang kotse ang mga parking sa mall na ­nakalaan para sa mga PWD.  

Nakalulungkot. Grabe ang pagbalewala ng iba sa mga PWD. Tingin nila, pabigat lang. Mali ito.

Lalo pa nating nakita ang pasang-krus ng mga PWD nang masapol ng nagdaang kalamidad ang Marikina City.

Sa kasagsagan nang paghagupit ng ulan na dulot ng ‘habagat’, may mga Marikeñong PWD ang tinawid ang mataas na baha, mag-isa man sila, may kasamang kamag-anak o barangay rescuer. 

Nabasa sila at na­ging higaan nila ang malamig na semento ng paaralan sa magdamag at nang mga sumunod na araw. Sa ilang linggong krisis, may mga nagkasakit sa kanila.

Matapos ang unos at ngayong bumaba­ngon na ang lungsod, marami pa rin sa kanila ang nagpapagaling sa ospital. Iyong ilang nakalabas na, naging problema muna nila ang bayarin. Ganoon din marahil ang mangyayari sa mga nananatili pa sa pagamutan. 

Doble-delubyo ang kanilang sinapit. PWD na, nagkasakit pa. May magagawa tayo para sa kanila.

Gumagalaw na sa Lower House sa itinutulak nating isang bill na naglalayong bigyan ng awtomatikong PhilHealth coverage ang lahat ng PWD.

Pinapaam­yendahan natin ang ‘Magna Carta for Persons with Disabilities’ upang maisama sa mga napakikinabangang benepisyo ng PWD ang pagsagot ng PhilHealth sa kanilang gastos sa ospital – maaaring buo o diskuwento.

Ayon sa pinakahu­ling opisyal na numero, halos 1.5 mil­yon na ang mga PWD sa buong bansa. Ang pagsasabatas ng ating panukala ay isang hakbang tungo sa isang lipunang marunong kumalinga sa kapwa, lalo na sa mga Filipinong nabibilang sa mga vulnerable sector.