Abante Tonite Interactive

Ang nagpayo ang pinayuhan

By
623

Halos araw-araw, hindi tayo nawawalan­ ng mga nababasa o napapanood na balita tungkol sa rape. Kaya naman hindi kataka-taka kung magbigay ng payo ang pulisya sa kababaihan kung papaano makakaiwas sa rape. Iyon nga lang, mukhang sablay ito sa tingin ng iba kaya sila naman ang pinayuhan.

Sa Facebook post, inilabas nitong nakaraang linggo ng Angono [Rizal] Municipal Police Station ang kanilang sampung paalala upang makaiwas sa rape:

Huwag basta makikipagkita sa ka-text o ka-chat lalo na at hindi mo naman ito ganu’ng ka­kilala; Huwag magsuot ng maiigsing damit; Huwag maglakad nang mag-isa sa madilim na lugar; Kung makikipag-date, huwag uminom ng alak;

Kung makikipag-date, huwag iiwan ang inumin at baka malagyan ito ng kung anong gamot na makakawala ng iyong kamalayan; Hangga’t maaari, mag-aral ng self-defense;

Magdala ng teargas o pepper spray na maaaring gumamit ng kahit anong bagay na makasasakit sa nanghahalay; Huwag mataranta, mag-isip ng paraan para makatakas sa nanghahalay; Sumigaw ng saklolo; At humingi ng tulong sa kapulisan.

Sa totoo lang, may iba na walang nakikitang masama sa ibinigay na payo ng Angono police. Marami naman daw talagang nabalitang kaso ng rape na ang babae pa ang pumupunta o sumasama sa lalaki, at pumapayag na makipag-inuman kahit pa nakilala lang nila ito sa chat o text.

Ang ilan nga, aba’y ang mga magulang ng biktimang menor de edad ang sinisisi kung bakit hinahayaan ang kanilang anak na nagpupunta sa kung saan-saan at natututong uminom sa murang edad.

Nagiging kasabihan na nga nga­yon na, ‘kapag may alak, may balak, kaya dapat ay mag-ingat.’

Kung walang nakikitang masama ang iba sa naturang payo ng Angono police, mayroon din naman na hindi sang-ayon dahil sa pagiging ‘insensitive’ ng mungkahi.

Mistulang ang mga babae pa kasi ang tila may kasalanan kaya sila nagiging biktima ng rape, o ‘yung tinatawag nilang ‘victim blaming’.

Simple lang naman ang posisyon ng mga hindi nasisiyahan sa naturang mga ‘tip’ ng pulis — walang babae na gustong ma-rape kahit ano pa ang suot niya, kahit saan siya dumaan o kahit malasing man siya.

Kaya naman sa halip daw na ang mga babae ang payuhan kung papaano makakaiwas sa rape, ang kalalakihan ang dapat na turuan at isaksak sa kanilang kokote na masama ang rape at hindi sila dapat mang-rape… period.

Kahit sinasabi ng pulisya na nabawasan na ang insidente ng rape sa bansa, nananatili pa rin itong mataas na umabot sa mahigit 7,000 noong Enero hanggang Oktubre 2017. Ito ay iyong mga naisumbong sa mga pulis pero ilan kaya ang hindi na ipinaalam sa mga awtoridad dahil sa takot o nahihiya ang biktima?

Sa totoo lang, tama rin naman ang punto ng mga hindi lubos na nasiyahan sa naturang payo ng Angono police. Aba’y nabiktima na nga naman ang tao, sila pa nga ba naman ang sisisihin. Pero sa kabilang banda, malinaw din naman ang mensahe na nais na iparating ng pulisya, ang magbigyan lang ng gabay sa kababaihan para makaiwas sa disgrasya.

Gaya rin yan ng payo na ginagawa ng mga pulis tungkol sa ‘snatching’ na huwag nang magsuot ng mga mamahaling alahas o huwag maglalabas ng cellphone sa kalye ang mga tao para walang mahablot o hindi matukso ang mga kawatan na umatake.

Mabuti at walang pumupuna sa kadalasang payo na ito ng ilang pulis, at magsasabing, ‘ba­kit hindi kaya ang mga kawatan ang payuhan na masama ang kumuha ng bagay na hindi sa kanila?’ O kaya naman, ‘bakit hindi damihan ang mga pulis sa kalye na madaling makita para matakot gumawa ng kalokohan ang mga buraot na walang magawang matino?’

Humingi na ng paumanhin ang Angono police sa mga nasaktan sa naturang payo nila, kasabay ng paglilinaw na wala silang masamang intensiyon.

Sa kabila ng lahat, makabu­buting maging bukas pa rin ang isip tungkol sa naturang paalala ng kapulisan. Mas makabubuti na laging mag-ingat at huwag basta-basta magtitiwala. At sa mga lalaki, igalang ang mga babae, at huwag mang-rape. Laging tandaan:

“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”